ANG pagkabigo ng administrasyong Duterte na palawakin ang pagsasagawa ng mass testing sa nakalipas na anim na buwan ang maituturong ‘salarin’ sa paglobo ng bilang ng kaso ng CoVid-19 sa bansa.
Ayon kay Terry Ridon, Infrawatch PH convenor, hindi dapat sisihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang limitadong supply ng bakuna kaya tumaas ang kaso ng CoVid-19 bagkus ito’y resulta ng kanyang kapabayaan at kapalpakan ng National Task Force on CoVid-19.
“Mr. President, hindi na po dahil sa limited vaccine supply ito. Hindi rin po dahil sa coronavirus mutations ito. This falls squarely on us. This falls squarely on you, Mr. President. It is time for the non-performers to step aside, and let others take the lead,” ani Ridon.
Ang NTF on CoVid-19 ay pinamumunuan ni chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez, Jr., at ang kanyang mga miyembro ay sina testing czar Vince Dizon, contact tracing czar Benjamin Magalong, isolation czar Mark Villar, at treatment czar DR. Leopoldo Vega.
Binigyan diin ni Ridon, nabigo ang task force na palawakin ang CoVid-19 testing sa nakalipas na anim na buwan kaya’t dumating sa puntong umabot sa mahigit 10,000 katao ang nagpopositibo kada araw sa Filipinas.
Ang P23 bilyong nawala aniya sa kaban ng bayan at napunta bilang pang-ayuda sa mahihirap dahil isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang NCR plus Bubble ay puwede sanang ipambili ng kinakailangang bakuna.
“Mr. President, there is no going around this. Your men failed to expand testing in the last six months. We have reached this point today because of this failure. Our coffers will be P23-billion less in the next few days because we have failed to breach 50,000 tests per day. This is money that could have been better spent for vaccine procurement.”
Paliwanag ni Ridon, naabot ng Filipinas ang rekomendadong 10 porsiyentong positive rate ng World Health Organization (WHO) noong 20 Setyembre 2020 sa 10.40 porsiyento sa naitalang 3,646 CoVid-19 cases.
Ngunit makalipas ang anim na buwan o nitong Marso 2021, bumagsak nang husto ang testing capacity ng Filipinas at hindi na nagawang iangat sa lampas sa 0.43 tests sa bawat 1,000 katao.
Kulelat aniya ang Filipinas kompara sa mga karatig bansa sa Timog Silangang Asya.
“In the same period, Malaysia was able to raise its daily testing capacity by a factor of 4.28, at 1.37 tests per thousand people. Worse, Malaysia and the Philippines had similar testing figures in Sep 2020.”
Habang ang Indonesia ay nagawang doblehin ang kanilang testing capacity at ang Thailand ay naging triple pa.
“We only increased our capacity by 34.38pct. These are the unassailable metrics of failure in one of the most important pillars of our coronavirus response.”
Hanggang sa ngayon walang libreng mass testing na ipinatutupad ang pamahalaan at hindi tumalima ang Department of Health (DOH) sa panawagan na ilagay sa kanilang website ang eksaktong presyo ng CoVid-19 PCR test ng 191 licensed public and private laboratories sa buong bansa upang magkaroon ng pagpipilian ang mamamayan.
(ROSE NOVENARIO)