“SAAN makararating ang P1,000?”
Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa administrasyong Duterte na itigil ang pagtrato sa mahihirap bilang mga ‘pulubi’ na binibigyan ng P1,000 limos para ipanggastos sa loob ng dalawang linggong umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR plus Bubble.
“Katumbas lang ito ng tatlong araw na badyet sa pagkain para sa pamilyang may apat na miyembro. Tipid na tipid pa ito. Paano pa ang ibang pangangailangan?” anang KMP sa isang kalatas.
Giit ng KMP, ang pinalawig na ECQ ay pagpapahaba ng kalbaryo ng mga Filipino lalo na’t ang mga kagyat na pangangailangan sa ayuda at pagpapalakas sa bumabagsak na health care ay hindi natutugunan.
“Kulang ng siyam na libo sa hinihinging P10,000 ayuda ang ibibigay ng gobyerno. Kulang na nga, delayed at installment pa,” sabi ni KMP chairperson Danilo Ramos.
Isang linggo mula nang isailalim sa ECQ ang NCR plus Bubble, ngayon pa lamang matatanggap ng mga lokal na pamahalaan ang P23 bilyong pondo para sa ayuda sa mahihirap na residente ng Metro Manila, Bulacan, Laguna, Rizal, at Cavite.
Bukod sa P10,000 cash aid, hinihiling ng KMP na magbigay ang pamahalaan ng P15,000 production subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda upang hindi matigil ang kanilang pagsasaka, pamamalakaya at food production upang tiyakin ang supply ng pagkain sa panahon ng pandemya.
(ROSE NOVENARIO)