ni ROSE NOVENARIO
MISTULANG tinutugis na kriminal ang mga may sintomas ng CoVid-19 sa ilulunsad na house-to-house search ng mga pulis at sundalo sa bawat bahay sa mga pamayanan simula ngayong araw.
Inamin ni Presidential Spokesman Harry Roque, layunin ng house-to-house campaign ang maihiwalay ang mga may sintomas ng CoVid-19, isailalim sa swab test at kapag nagpositibo ay ilalagak sila sa quarantine facility.
“Unang-una, hindi po (siya) house-to-house for close contacts. It is house-to-house para roon sa mga may sintomas po. At iyong may mga sintomas, ite-test po natin; at kung positibo po sila, well, actually, iyong kapag sintomas lang, dapat ground na iyon for isolation. Pero susubukan po natin silang i-test at i-isolate kung magpositibo,” ani Roque noong Sabado.
Tiniyak ni Roque, walang magaganap na paglabag sa karapatang pantao sa isasagawang ‘sona’ ng mga unipormado sa mga pamayanan dahil bahagi umano ito ng ipatutupad na ‘bagong’ quarantine protocols sa muling paglalagay sa enhanced community qiaratine (ECQ) sa NCR plus bubble o ang Metro Manila, Bulacan, Rizal, at Cavite simula ngayon hanggang 4 Abril 2021.
“Wala naman pong violation of human rights diyan, because this is part and parcel of an ongoing quarantine,” giit ni Roque.
Kailangan aniyang ‘magsara sandali’ upang magkaroon ng oportunidad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtayo ng dagdag na quarantine facilities.
Nangako aniya si Education Secretary Leonor Briones na ipagagamit ang ilang paaralan bilang Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs)
“Pero kaya nga po kinakailangan nating magsara sandal, to enable the DPWH to build even more TTMFs. Ang balita po ay si Secretary Briones already agreed na gagamitin na naman po iyong ilang mga eskuwelahan natin para maging TTMFs facilities. So ang solusyon po talaga habang dumarami ang kaso, damihan pa rin ang ating critical care beds, ang ating wards at mga TTMFs facilities,” ani Roque.
PNP HILAHOD
SA DAGOK
NG PANDEMYA
PINANGANGAMBAHANG lalong tumaas ang kaso ng CoVid-19 sa hanay ng mga pulis sa bagong kautusan sa isasagawang ‘sona’ sa mga komunidad para kunin ang mga may sintomas ng virus mula sa kanilang bahay, ipa-swab test at dalhin sa quarantine facilities ang mga nagpositibo.
Ayon kay acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Guillermo Eleazar, umabot na sa 2,068 ang active CoVid-19 cases sa PNP noong Sabado, 27 Marso.
Animnapu’t anim sa kanila’y nasa mga pagamutan at 2,002 ang nasa quarantine facilities.
Aniya, 63.1 porsiyento o 1,304 ay nasa National Capital Region (NCR), 15.5 % ay mula sa NCR Police Office (NCRPO) at 18.5 porsiyento ay mula sa Camp Crame.
Nakapagtatala aniya ng mahigit 1,000 active cases kada araw ang PNP mula 16 Marso kaya’t nagdagdag ng isolation facilities.
Kinompirma ni Eleazar ang kumalat na video sa social media na nagpakita kung gaano nagsisiksikan ang mga pulis sa Kiangan Emergency Treatment Facility.
“We confirm that it indeed happened early this week at a time when the PNP was recording unprecedented number of CoVid-19 cases. But measures were immediately undertaken during that time to provide the medical needs of our personnel such as deployment of more PNP medical and healthcare workers at Kiangan, deployment of more beds and setting up of more tents purposely to accommodate more personnel beyond the isolation facility’s maximum 55-bed capacity,” pahayag ng heneral.
Nagsisilbi rin aniyang medical assessment area at transit point para sa CoVid-19 positive personnel ang Kiangan.