MAGPAPATUPAD ang pamahalaan ng dalawang linggong mahigpit na border control o ibayong restriksyon sa pagpasok at paglabas sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (CoVid-19) simula ngayon hanggang 4 Abril.
Nakasaad ito sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases Resolution No. 104 na inaprobahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ginanap na virtual press briefing kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang naturang limang lugar ay isinailalim sa general community quarantine (GCQ).
“Unang-una po, bawal po ang pagbibiyahe papunta sa Metro Manila at mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, at bawal din po lumabas ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal. Magkakaroon po tayo ng parang ‘bubble’ dito,” aniya.
Tanging essential travels ang papayagan sa mga nasabing lugar ngunit mananatiling operational ang public transportation na may limitadong kapasidad.
Lahat ng mass gatherings, kasama ang religious gatherings ay ipinagbabawal at “highly discouraged” ang pagsasagawa ng face-to-face meeting.
Limitado sa 10 katao ang puwedeng dumalo sa kasalan, binyagan at libing.
“The private sector is enjoined to adopt similar alternative arrangements as those already in place in the executive branch of government, i.e. 30-50 percent operational or on-site capacity,” atas sa resolusyon.
“Dine-in restaurants, cafes and establishments shall be limited to delivery, take-out, and any outdoor or al fresco dining shall be allowed, provided that additional engineering and administrative controls are put in place.
“Visiting persons outside their immediate family or other households is strongly discouraged.”
Ipinayo ng IATF ang pagsusuot ng mask ng mga nakatatanda at mga maysakit at iba pang kasama nila sa bahay.
Ipatutupad ang curfew mula 10:00 pm hanggang 5:00 am sa lahat ng lugar na nasa ilalim ng GCQ, at hindi pa rin maaaring lumabas ng bahay ang edad 18-anyos pababa at 65-anyos pataas.
Mula noong Biyernes hanggang kahapon ay pumalo sa mahigit 7,000 ang CoVid-19 active cases sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)