NAGPOSITIBO si Presidential Spokesman Harry Roque sa coronavirus disease (CoVid-19).
Inamin ito ni Roque kahapon sa virtual Palace press briefing.
Sinabi niya, 11:29 am kahapon nang matanggap niya ang resulta pero dahil nasa kanyang opisina na siya ay nagpasya siyang ituloy ang virtual press briefing ngunit mag-isa na lamang siya sa kanyang silid.
Dalawang beses umano siyang sumailalim sa RT-PCR test, una, noong 10 Marso bago ang kanyang biyahe kasama si Pangulong Rodrigo Duterte na nagnegatibo ang resulta at ang ikalawa ay noong Linggo dahil makakasama siya sa pulong ng Pangulo kagabi na nagpositibo siya.
“Iyong nagkaroon po sa akin ng close contact, I ask you po for your indulgence, pero kinakailangan po kayong mag-quarantine. Bukas po iyong magiging case bulletin ng DOH, kasama na rin po ang inyong abang lingkod because as of 11:29 this morning, nakuha ko po ang resulta na positibo po ako para sa CoVid,” ani Roque.
Gayonman, kahit wala umano siyang nararamdamang sintomas ng CoVid-19 ay mag-isolate siya ng kanyang sarili alinsunod sa protocol ng Department of Health (DOH).
(ROSE NOVENARIO)