TAYTAY, Rizal – Agresibong isinusulong ng lokal na pamahalaan ang paghulma ng bayang higit na kilala bilang Garments Capital upang maging isang ganap na Bike City.
At upang paigtingin ang kanilang programang naglalayong himukin ang lahat na makibahagi sa eco-friendly at cost-efficient na transportasyon, nagpamahagi ang Taytay local government ng daan-daang mountain bikes para sa kanilang mga residenteng bumibiyahe araw-araw patungo sa kani-kanilang trabaho.
Pahayag ni Taytay Mayor Joric Gacula, isang bike enthusiast, malaking bentaha ang pagbibisikleta sa kalusugan at bulsa, bukod pa sa bawas polusyon.
Gayon pa man, hindi aniya sapat ang may bisikleta lang. Kailangan din aniya ng safety helmets at bike lanes para masiguro ang ligtas na biyahe ng mga magbibisikleta patungo at mula sa kani-kanilang pinapasukang trabaho – kaya naman nagpamahagi na rin siya ng hindi bababa sa 3,000 helmet sa kanilang local bikers.
Ayon kay Taytay Municipal Engineer Ronald San Juan, nakatakda nang simulan ng lokal na pamahalaan ang construction ng permanent bike lanes sa kanilang bayan ngayon second quarter ng taon.
Batay sa datos ng local traffic division sa nasabing bayan, tumaas ang bilang ng mga gumagamit ng bisikleta sa kanilang bayan mula nang magluwag ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa community quarantine status ng Metro Manila at Calabarzon region noong Hunyo nang nakaraang taon.
Sa kanilang tala, hindi bababa sa 3,000 ang dumaraan araw-araw sa mga pangunahing daluyan ng trapiko. Bunsod nito magtatalaga rin ang LGU ng mas maraming traffic marshals sa designated bike lanes upang tiyakin ang kaligtasan ng magbibisikleta patungo at pauwi mula sa kanilang trabaho.
Sa ilalim ng kanilang Bike City plan, idurugtong ang mga nasabing bike lanes sa mga major transport terminals.
“Bago dumating ang pandemya, mabibilang mo lang ang naglalakas loob na magbisikleta patungo sa kanilang trabaho dahil sa ilang dahilan — kawalan ng bisikleta at kawalan ng katiyakan sa kanilang kaligtasan. Pareho natin tutugunan ang kanilang agam-agam upang ganap nang maging bike-friendly city ang Taytay,” pahayag ni Gacula.