AYON sa column ni Ricky Lo na Funfare sa Philippine Star, tinawagan ni President Rodrigo Duterte si Willie Revillame noong ka-dinner nito sina Sen. Bong Go at Executive Secretary Salvador Medialdea sa isang restoran sa Greenhills.
Sabi raw ni Pres. Digong kay Willie: ”Willie, mahal kita. Pinapanood kita. Maraming salamat sa ginagawa mo sa ating mga kababayan. Magkasama tayo sa pagtulong. Kasama tayo sa grupo. Kasama ka namin sa grupo.”
Sa pagkakasulat ni Ricky, mahihinuhang si Senator Go ang source of information n’ya. Sa susunod na sentence kasi ni Ricky sa kolum n’ya, si Senator Go na ang kino-quote n’ya.
Sinabi umano ng senador sa TV host na, ”Natutuwa siya (Pres. Duterte) sa ’yo” kaya ipina-set ng presidente ang dinner purposely to thank Willie and to tell him “to keep his options open.”
Walang binanggit si Ricky kung may in-offer na posisyon sa ticket ni Pres. Duterte sa election next year. Binanggit lang ni Ricky na noong huling nakausap n’ya si Willie, mariing ipinahayag nito sa kanya na wala siyang balak pasukin ang politika at masaya na siyang tumutulong sa mga kababayan n’ya bilang private citizen at game show TV host.
Noon pa naman ginagawa ni Willie ang pagtulong at parang wala naman sa pakiramdam n’yang biglang kailangan n’yang pumasok sa politika o magkaroon ng puwesto sa gobyerno para ipagpatuloy ang pagtulong sa madla.
Pero nagparamdam si Ricky ng pagdududa sa pahayag na ‘yon ni Willie sa isang bahagi ng kolum n’ya. Aniya: ”Willie has been inviting as special guests political bigwigs such as Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. (who even previouly used part of Willie’s WilTower as venue for press briefings), Cabinet Sec. Karlo Nograles and Sen. Manny Pacquiao (who donated an additional amount to cash prizes Willie is giving away to his viewers every day). Are these tell-tale signs of Willie’s ‘feelers’ about a political ‘possibility’”?
Ano nga bang agenda ni Willie sa paggi-guest ng mga politiko? O ang mga politiko ba ang nagsi-send ng feelers kay Willie na i-guest sila sa show n’ya at nahihiya siyang tumanggi?
At posibleng sa paggi-guest ng isang politiko na nagbabalak magpa-re-elect o kumandidato sa bagong posisyon, may lihim silang alok kay Willie na posisyon sa partido nila. Baka nga mas sure winner pa, mas “winnable,” ‘ika nga, si Willie kaysa kanila.
Sino pa kaya ang bumubuwelo para “suyuin” si Willie na sumama sa partido nila?
At sino-sino pa kayang showbiz idols ang “liligawan” ng mga politiko para sumama sa partido nila?
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas