WELCOME sa Palasyo ang panukala ng Department of Labor and Employment (DOLE) na gamiting ‘barter’ ng donasyong bakuna kontra CoVid-19 mula sa United Kingdom at Germany ang deployment ng Pinoy health workers sa naturang mga bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bagama’t hindi ideya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ng Pinoy health workers sa UK at Germany kapalit ng donasyong bakuna ay pabor sila dahil nangangahulugan na maraming CoVid-19 vaccines ang darating sa Filipinas.
Iginagalang aniya ng Palasyo ang opinyon ni dating Vice President Jejomar Binay na ‘insensitive and dehumanizing’ ang naturang panukala.
“Lahat naman po ng opinyon ng ating mga kababayan ay inirirespeto natin dahil mayroon po tayong Kalayaan — ng malayang pananalita sa Filipinas. Pero hindi po ito ideya ng Presidente; ideya po ito ni Secretary Bello at Secretary Locsin na wini-welcome rin natin because more is better than less,” aniya sa virtual Palace press briefing kahapon.
Hinimok ni Filipino Nurses United Secretary General Jocelyn Andamo ang DOLE na igalang ang kanilang propesyon at huwag silang itratong “bartered goods.”
Para kay health reform advocate Dr. Tony Leachon, bagama’t kailangan ng Filipinas ang bakuna hindi naman kailangan magpakababa bagkus ay dapat pang maging matayog.
Dapat aniyang itrato ang mga mamamayan ng may dignidad at respeto upang ibigay ito pabalik sa pamahalaan.
“Why is DOLE proposing a controversial measure to secure vaccines in exchange of human health resources without approval of the DOH and the President. Sure, we need vaccines. But should not go this low – we should go high. We should treat people with dignity and respect and they surely give it right back to you,” sabi ni Leachon sa kanyang Facebook post. (ROSE NOVENARIO)