Sunday , December 22 2024
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman

Kababuyan

KAMAKAILAN naglagay ng price ceiling sa sariwang baboy at manok. Walang masama rito lalo kung ikagagaan ng kalagayan ni Juan dela Cruz na kasalukuyang dumaranas ng hirap dahil sa taas ng presyo ng bilihin. Lumabas sa mga diyaryo na pumasyal ang dalawang kasapi ng Gabinete ni Rodrigo Duterte  – William Dar at Ramon Lopez – sa isang kilalang supermarket para amoy-amuyin at pisil-pisilin ang ilang produktong karne ng baboy.

Okey sana kaya lang hindi inisip ng gobyerno ang price ceiling dahil may pangit na bunga ang desisyon. Hindi sinabi sa desisyon ang bayad sa trucking, pahinante, matadero at iba pa. Samakatuwid ang puhunan para sa mabibiling baboy at manok na buhay ay mataas kaysa itinakdang price ceiling. Maliwanag na malaking lugi sa panig ng mga nagtitinda sa pamilihan.

Ang mga malalaking supermarket tulad ng pinasyalan ni Dar at Lopez ay hindi puwedeng ihambing sa negosyong pamamalengke. Hindi umaasa ang mga nagtitinda sa palengke dahil kalimitan sa mga baboy at manok na sa bansa lumaki, hindi sila nag-iimbak ng maraming stock. Malaki ang kalamangan ng mga supermarket dahil may warehouse freezer sila. Wala ang mga nagtitinda sa palengke.

Imbes magbenta nang palugi, magpapasiya na lamang ang pobreng nagtitinda sa palengke na magsara at ipapasa-Diyos ang kinabukasan. Hindi ako magpapatumpik-tumpik; binababoy ng pamahalaan ang kawawang tindero at tindera sa palengke.

***

GUMAWI tayo sa isa pang uri ng kababuyan. Itong linggong ito, nagpositibo sa CoVid-19 ang isang staffer ni Harry Roque. Napilitan gumawa ng “self-quarantine” si Roque upang iwasan kumalat ang virus. Pero pinili ni Roque na mag-self-quarantine sa Boracay na ang “therapy” ay mag-scuba diving. Nakahihiya sa mga ordinaryong mamamayan dahil bukod sa “house arrest” sila, o napipiit sa pagamutan, wala silang laya sa ngayon na gumala dahil sa umiiral na pandemya ng CoVid-19. Hindi sumagi sa isip ni Roque na maaaring mahawa ang mga nakahalubilo niya. Walang “social distancing protocols” sa pinuntahan niya. Pero ang lubos na nakagagalit ay binaboy niya ang Filipino sa kanyang kayabangan.

Tungkol sa paggawa ng subway system, sinabi niya: “Let today’s event be recorded in the annals of Philippine history as another first of the Duterte administration and to his critics, I have only this to say: Manigas kayong lahat!!!”

Hindi ito ang unang pagkakataon na gumamit ng tunnel boring machine kaya hindi puwedeng sabihin ni Roque na una ito. Pangalawa, ang subway system ay pinag-usapan sa administrasyon ni Fidel V. Ramos. Isinumite kay PNoy ang JICA proposal noong Marso 2014. Kaya sorry,  Roque, fake news ang sinabi n’yo.

Gayonman, ipinagdadasal namin ang kalagayan ni Roque na sana hindi siya tinamaan. Kaya stay positive.

***

NOONG Martes, napakinggan ang pangalawang araw ng Oral Argument sa Anti-Terrorisim Law sa Korte Suprema. May sinabi si Solicitor General Jose Calida na may papuputukin na “bombshell.” Naghain ng reklamo ang dalawang katutubong Ita matapos silang dakpin at pahirapan at ipiit. Ginawa ito ng humuli sa ilalim ng Anti-Terrorisim Law.

Ngunit supot ang ‘bombshell’ dahil sinabihan si Calida ni Diosdado Peralta na nagkaroon ng “en banc” session ang mga hukom kung saan “unanimously outvoted” ang petisyon ni Calida sa pag-uurong ng reklamo ng dalawang Ita. Pagkatapos ng cross-examination sa merits ng nagsampa ng kaso at nagdepensa ng Anti-Terrorisim Law, sumunod ang pagdinig. Kapuna-puna si Marvic Leonen dahil parang “machine gun” ang sunod-sunod na tanong niya na halos hindi makahabol ang mga tumutugon. Baligtad ang tingin kay Alexander Gesmundo na mas marahan at tila tantiyado ang pananalita.

Hindi pa tapos ang Oral Arguments sa Anti-Terror Law dahil pinutol ito ni Peralta at ipagpapatuloy sa Martes. Kaya hindi pa natatapos at sa sarili kong “interpellation”

Abangan ang coming soon.

***

Sa media briefing ni Duterte, pinuntirya ang ABS-CBN at sinabi niya na kahit sang-ayunan ng Kamara sa pagbibigay ng prankisa, pipigilan niyang mangyari ito habang hindi pa nagbabayad ng utang sa BIR. Pero mismong BIR ang nagsabi na walang utang ang ABS-CBN sa pamahalaan. Mas nakaaaliw ang mga side-comment.

Nakatatawa ang pagbabad ng camera kay Bong Go na nauwi sa maraming nakakatawang komento. Sa akin, ito ay mahusay na paraan para ibsan ang pagkasuya tuwing mapapanood si Duterte kada Lunes. Magaling ang inahinasyon ng Filipino at ito ay malaking tulong para maibsan ang negatibong kaganapan na ito.

Pero huwag ka. May umiikot na “conspiracy theory” na ang weekly presidential media briefing ay pre-recorded, oo, alam na natin pre-recorded pero sa mismong araw.  Ang kumakalat na “conspiracy theory” ay sunod-sunod na pre-recorded noon pa, kaya wala kang mapapansin na puwedeng magbigay ng tiyak na oras o panahon sa mga media briefing ni Duterte.

Ang masasabi ko lang hindi lang ang Amerika ang may “conspiracy theories.””

At kahit wala tayong “Jewish space laser” at “Q-Anon lizard people,” ang Filipinas ay hindi nahuhuli. Mayroon tayong tayong butiki na “legal counsel” ni Mr. Duterte. Hindi ko na siya papangalanan at baka sumikat pa.

[email protected]

TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

About Mackoy Villaroman

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *