PARANG apoy na binuhusan ng malamig na tubig. Ganyan ang sitwasyon ngayon ng ABS-CBN, matapos na ”tapusin na ni Presidente Digong ang boxing,” nang sabihin niyang bigyan man ng franchise ng Kongreso, hindi niya papayagang maipatupad iyon sa pamamagitan ng pagpigil sa National Telecommunications Commission na magbigay ng permit to operate sa network.
May dalawang kondisyon ang presidente. Una kailangang bayaran ng ABS-CBN ang lahat ng tax na naiwasan niyong bayaran. Ikalawa, linawin ang naging pagkakautang ng Lopez group, na umaabot sa P1.6-B, kabilang na ang ABS-CBN sa DBP na mukhang nalista na lang sa tubig. Mukhang malabo rin namang mangyari iyan, dahil bukod sa napakalaking halaga na nga ang involved, kung magbabayad ang ABS-CBN ay parang inamin na rin nilang nagkaroon nga ng anomalya at bahagi sila niyon. Maaari pang pagmulan iyon ng mga panibagong kaso para hindi na makakuha ng franchise kailanman ang ABS-CBN.
Nauna rito, nagsasaya na nga ang mga kaalyado ng ABS CBN, matapos na magharap ng bill sa senado si Senate President Tito Sotto, at isang parallel bill sa Kamara si Congresswoman Vilma Santos para bigyan ng panibagong 25 taong franchise ang ABS-CBN. Nagpalabas din ang mga kaalyado ang ABS-CBN ng isang survey na umano 8 sa bawa’t 10 Filipino ang pabor na sila ay magbukas na muli, bagama’t hindi nila sinabi kung sino ang gumawa ng survey, na isinagawa ang survey at ilang samples ang natanong.
Pero ano pa mang pag-uusap ang mangyari, mukha ngang kailangan na lang magtiyaga ang ABS-CBN sa internet at sa kanilang blocktime agreement ng ilang shows nila sa ZOE TV at sa TV5 para manatili sila sa “free tv”. Medyo hirap sila sa probinsiya dahil hindi dinadala ng mga cable operators na nakalaban nila ang kanilang Kapamilya Channel, at iyon namang kanilang Sky Direct ay nawala na rin kasabay ng pagkawala ng kanilang franchise noong nakaraang taon.
Ang sinasabi pang isang posibilidad ay kung maamyendahan ang franchise ng alin man sa ZOE TV at sa TV5, at payagan sila ng Kongreso na itaas ang kanilang transmitting power ng 150 kilowatts kagaya ng ABS-CBN bago isinara, pero palusutin naman kaya iyon ng NTC dahil alam nilang pakikinabangan iyon ng ABS-CBN?
HATAWAN
ni Ed de Leon