ni ROSE NOVENARIO
KUNG ‘manigas kayo’ ang tugon ni dating human rights advocate at Presidential Spokesman Harry Roque sa mga kritiko ng administrasyon, mistulang dila naman niya ang ‘nanigas’ at napipi pagdating sa isyu ng walang habas na red-tagging ni Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., sa isang mamamahayag kaugnay sa Anti-Terror Act (ATA).
Ipinauubaya ni Roque kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagsuheto kay Parlade dahil hindi aniya “micromanager” si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hinahayaan na natin ang DND sa bagay na ‘yan. Meron naman guidelines na inisyu si Secretary Delfin Lorenzana. May mga heneral na pinatihimik na siya. Hindi naman micromanager ang ating presidente. Iniiwan na natin ‘yan kay Secretary Lorenzana, ‘yung mga dumudulog sa hukuman, ‘e iniiwan na natin ‘yan sa hukuman,” aniya.
Para sa mga abogado mula sa Concerned Lawyers for Civil Liberties (CLCL), dapat tanggalin sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at hindi lang sibakin sa puwesto.
Kabilang sa mga miyembro ng CLCL ay sina dating Vice President Jejomar Binay, dating Sen. Rene Saguisag at dating University of the Philippines Dean Pacifico Agabin.
Sinabi ng CLCL sa kalatas, ang panawagan na itigil ang walang patumanggang pag-atake sa mga mamamayan sa pamamagitan ng ‘red-tagging’ na naging daan sa pagkamatay ng ilang biktima at ang ginagawa ni Parlade ay katumbas ng pagbabanta sa buhay at seguridad ng marami.
“We call for a stop to this wanton and unrestrained attack on the people through red-tagging that has led to the death of the victims in many occasions… because Parlade’s acts constitute as threats to the lives and security of many.”
Kinondena ng CLCL ang pinakahuling terrorist tagging ni Parlade sa isang reporter na nag-cover ng Supreme Court oral arguments kaugnay sa mga petisyon laban sa ATA.
“This attack on members of the media for allegedly spreading ‘lies’ and propaganda against the terror law, only further chills the people’s right to freedom of expression and is an attack on our constitutional rights,” giit ng mga beteranong abogado.
“General Parlade has been red-tagging perceived dissenters such as celebrities, church people, members of the opposition, activists and various schools and universities and even media for years now.”
“Despite calls from concerned human rights advocates for General Parlade to stop his red-tagging, he has relentlessly and without remorse persisted in his distorted conception that those who do not agree with government policies are ‘communists’ and ‘terrorists,’” anang CLCL.
Ang asta ni Parlade anila ay pruweba na ang ATA ay nakatuon sa mga hindi sumasang-ayon at hindi sa mga teroriostang grupong naghahasik ng lagim.
Nauna rito’y hinimok ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang SC na isama sa susunod na oral arguments sa 37 petisyon laban sa ATA bukas ang pagbabanta ni Parlade na kakasuhan ng paglabag sa ATA si inquirer.net reporter Tech Torres-Tupas.
“The red-tagging of Parlade may also come out in the course of the interpellations if the Justices deem relevant or material in general or in particular,” sabi ni NUPL president Edre U. Olalia.
Inulan ng binatikos ang heneral kamakailan matapos magbanta na kakasuhan si Torres-Tupas dahil sa isinulat niya hinggil sa mga Aeta na umano’y tinortyur ng mga militar na hiniling sa Korte Suprema na sumali sa petisyon upang maibasura ang ATA.
“Government inaction on the threat against Torres-Tupas and on similar statements and threats against activists and journalists means government consent and even endorsement of those actions and belies the claim that the law does not target criticism and dissent,” anang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa isang statement kamakailan.