Sunday , December 22 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

Balik Asya

BIGLANG baligtad ang mundo nang natalo si Donald Trump sa halalan. Pagtapos ng magulong riot sa Capitol Hill noong 6 Enero at umupo si Joe Biden bilang pangulo ng Estados Unidos noong 20 Enero, biglang nagapi ang puwersang populismo na pansamantalang namuno sa mundo noong panahon ni Trump. Pawang nangupete ang kilusan ng populismo at nagmukha itong nilamukos na papel.

Ano? Gugunawin ang mundo ng mga nanggigitatang kasapi ng Proud Boys at QAnon (kilusan sa mga teorya ng sabwatan), mga nanlilimahid na white supremacist, redneck, hillbillies, miyembro ng Ku Klux Klan, at iba pang kilusan ng mga baliw sa Estados Unidos? Kulang ba sila sa paligo.

Sa pagwawakas ng populismo at mga kilusang baliw, balik ang kilusan ng mga nagtataguyod sa demokrasya. Balik ang paniniwala sa Saligang Batas, pangingibabaw ng batas at tamang proseso (rule of law at due process), karapatang pantao, climate change, children’s welfare, at pananalig sa agham.

Bawal ang katangahan, sa maikli. Balik ang katinuan sa pag-iisip.

Balik naman sa Asya ang Estados Unidos. Tapos na ang digmaan sa Gitnang Silangan at natalo na ang ISIS. May ceasefire agreement na sa mga Taliban sa Afghanistan. Hindi papayag ang Estados Unidos na maghari ang China sa mundo. Sasansalain ni Biden si Xi Jin Ping upang hindi maging world power ang China. Hindi maaari na sa China na ang South China Sea. Kailangan bukas ang karagatan sa malayang pandaigdigang kalakalan.

Palalayain ng Washington sa pang-aapi ng Peking ang mga aktibistang Tibetan sa Tibet Autonomous Region at Uighur sa Xinjiang Autonomous Region, palalakasin ang mga kasaping bansa ng ASEAN, bibigyang daan ang India bilang kapalit ng China sa pangangalakal, lilimitahan ang pagiging maka-Asya ng Rusya, at kokontrahin ang mga kilusang anti-demokratiko sa Myanmar at Filipinas.

Hindi bilib ang Estados Unidos kay Rodrigo Duterte dahil sa madugo ngunit bigo ang kanyang digmaan kontra ilegal na droga at pagkitil sa karapatang pantao. Hindi kami magtataka kung gumawa ng paraan ang Amerika na tuluyang mawala ang mga Duterte sa politika ng bansa. Hindi mananalo ang kandidato ni Duterte sa 2022.

Lakas ng Estados Unidos ang forward power projection sa buong mundo. Hindi basta-basta madadala ang digmaan sa kanila tulad ng pataksil na pagsalakay sa Pearl Harbor noong 1941 at bombahan ng 9/11 noong 2001. Sila ang magdadala ng digmaan kahit saan panig ng mundo. Dadalhin nila ang kanilang poder sa buong mundo.

Ito ang rason kung bakit malakas ang kanilang Navy at Air Force. Ito ang sandalan ng kanilang forward power projection sa mundo. Malakas rin ang kanilang Army at ang kanilang National Guard na nasisilbing reserba ng kanilang lakas. Kaya huwag magtaka kung dumami ang mga barkong pandigma ng Estados Unidos sa South China Sea. Bahagi ito ng kanilang forward power projection sa kahit saan.

Hindi ito naiintindihan ni Duterte at mga alipores. Ang buong akala nila napakalakas na ng China. Teka nga pala, ipinakita ng Estados Unidos ang iba’t ibang doktrina sa digmaan. Sa Gulf War mga 30 taon ang nakalipas, nakita natin ang doktrina ng overwhelming force. Sa giyera sa Iraq, namalas natin ang doktrina ng superior mobility. Mabilis lahat. Hindi alam ni Duterte at kampon ang ganito. Ang alam nila ay EJKs, o pataksil na pagpatay.

***

NOONG Lunes ng gabi, nagulat ang bansa nang aminin ni Rodrigo Duterte na bigo ang kanyang pamahalaan sa pagsugpo sa CoVid-19. Makikita sa kanyang mukha na wala siyang magawa upang masugpo ang mapinsala at mapanganib na virus.

Wala ang bakunang bayan, o mass immunization program, na ipinangako mga lima o anim na buwan ang nakalipas. Walang libreng bakuna ang Filipinas maliban sa mga libreng bakuna na bigay ng mga maunlad na pribadong kompanya sa kanilang mga empleyado at bakuna ng mga maunlad na LGUs sa kanilang nasasakupan. Walang pera ang gobyerno sa ngayon, aniya.

Bagsak ang pambansang ekonomiya; hindi lumalago. Nasa -9.5% ang growth rate noong 2020 at napakataas ng halaga ng mga bilihin. Maraming Filipino ang walang makain at walang pagkain sa hapag. Walang pera ang gobyerno sa ngayon, aniya.

Hindi bumababa ang bilang ng mga nagkakasakit at mukhang walang maayos na programa, plano, at pamantayan. Walang maibigay na gamot ang gobyerno. Hindi matulungan ang mga nagkakasakit sa iba’t ibang panig ng bansa. Walang pera ang gobyerno sa ngayon, aniya.

Sabi ng barbero sa kanto: nabudol-budol ang Filipinas. Akala niya magaling si Duterte sa maraming bagay, aniya. Wala palang alam. Taksil sa bayan, mahina ang ulo at dibdib, at batugan sa gawaing bayan. Hindi nakikita sa gitna ng krisis.

BALARAW
ni Ba Ipe

About Ba Ipe

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *