IPINAGKIBIT-BALIKAT ng Malacañang ang akusasyon ni Albay Rep. Edcel Lagman na kaya patay-malisya sa krisis sa Myanmar ay dahil kompirmasyon ito na pabor sa militarisasyon ang gobyerno at implementasyon ng mga mapanupil na patakaran gaya ng Anti-Terrorism Act of 2020, patuloy na red tagging at pagkansela sa 1989 UP-DND Accord.
Para kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi dapat pansinin ang naturang pahayag ni Lagman dahil kalaban siya ng gobyerno.
“Naku, personal na opinyon po niya, hindi na dapat po komentohan at alam naman natin talagang kalaban po si Congressman Lagman ng gobyerno natin,” sabi ni Roque sa virtual Palace press briefing.
Ipinauubaya ni Roque sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagtugon sa isyu ng Myanmar .
Naglunsad ng coup d’etat ang Myanmar Army laban sa democratically elected government ni Nobel laureate Aung San Suu Kyi, na ikinulong kasama ang iba pang senior figures ng National League for Democracy (NLD) sa isinagawang raid kamakalawa.
Nagdeklara ng state of emergency ang Myanmar Army sa loob ng isang taon at ibinilanggo ang matataas na opisyal ng civilian government bilang pagtugon sa umano’y naganap na election fraud noong Nobyembre at sa kawalan ng aksiyon ng pamahalaan sa panawagan ng militar na ipagpaliban ang eleksiyon dahil sa pandemya.
Anila, ibibigay ang kapangyarihan kay military chief Min Aung Hlaing.
Kabilang sa mga nagkondena sa kudeta ang Indonesia, Singapore, Australia, US, at United Nations (UN).
(ROSE NOVENARIO)