PAPANHIK ng Baguio City si vaccine czar at CoVid-19 policy chief implementer Carlito Galvez, Jr., upang ‘ligawan’ si Baguio City Mayor Benjamin Magalong para bumalik bilang contact tracing czar.
Ang pahayag ni Galvez ay ginawa matapos kompirmahin ni Presidential Spokesman Harry Roque na siyento porsiyento siyang sigurado na gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na manatili bilang contact tracing czar kahit nagsumite na ang alkalde ng kanyang irrevocable resignation.
Nagbitiw si Magalong kamakailan bilang contact tracing czar matapos umani ng batikos ang viral Baguio City party na may mga paglabag sa ipinatutupad na health protocols sa panahon ng pandemya sa bansa.
Inamin ni Magalong na may mga paglabag sa pandemic protocols sa nasabing pagtitipon na kanyang dinalohan kasama ang misis noong 17 Enero na inorganisa ni events host Tim Yap at dinayo ng ilang personalidad.
Pinagbayad ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ng P1,500 ang lahat ng dumalo sa party ni Yap na inalmahan ng ilang transport group dahil magaang na parusa kompara sa dinanas ng ilang tsuper na nakulong ng ilang araw at pinagbayad ng P10,000 piyansa sa paglahok sa balik-pasada rally.
(ROSE NOVENARIO)