ni ROSE NOVENARIO
TINIYAK ng Palasyo na hindi muna ganap na ipatutupad ang kontrobersiyal na Child Car Seat Law dahil naghihikahos ang mga Pinoy at bagsak ang ekonomiya ng bansa bunsod ng CoVid-19 pandemic.
Ibig sabihin walang huhulihing motorista o papatawan ng multa kung walang car seat sa kanyang sasakyan kahit may kasamang bata.
“Nangako ang ating DOTr na hindi muna po sila manghuhuli pagdating sa mga wala pang car seats,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.
“Ang nangyari po riyan talagang nasa bastas mayroong one-year period ‘no na para hindi muna ma-implement ‘yan nang mabigyan ng pagkakataon na makabili, makaipon ng (mga) car seats. Pero tinamaan nga po tayo ng CoVid-19, so ngayon po dahil (siya ay) epektibo na by law, nangako naman po sila, naintindihan nila ang ating kalagayan ngayon,” dagdag ni Roque.
Alinsunod sa RA 11229, naisabatas noong 22 Pebrero 2019, obligadong gumamit ng child restraint systems (CRS) sa mga batang may edad 12-anyos pababa, may taas na 4’11″ pababa.
Ayon sa batas, ang mga gagamit ng expired o non-compliant child car seats ay magmumulta ng P1,000 para sa first offense, P3,000 sa second offense, at P5,000 para sa third offense.
Habang ang manufacturers o sellers ng non-compliant child car seats at mamemeke ng compliance stickers ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000.