INIUTOS ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na magkaroon ng contact tracing, at kung maaari ay maipa-test ang mahigit sa 4,000 nagtipon-tipon sa may likod ng ABS-CBN, dahil naniwala sa fake news na mamimigay ng pera si Willie Revillame noong birthday niya. Ewan naman kung sinong baliw ang nagkalat ng ganoong fake news, kaya gabi pa lang may nagtipon na ang mga tao roon at tumagal iyon hanggang hatinggabi ng sumunod na araw.
Ang tanong, paano kaya ang contact tracing ang magagawa mo roon, eh hindi mo naman masasabing mga taga-roon lang iyon. Tiyak marami pang dumayo roon mula sa ibang lunsod.
Pero bakit nga ba nakarinig lang sila ng ganoong fake news, naniwala agad sila at sumugod doon?
Iyan ay maliwanag na nangyayari dahil marami na ang nagugutom sa ating mga kababayan. Huwag ninyong sabihing matapos ang halos isang taong lock down hindi sila natakot na baka mahawa sila ng Covid sa gagawin nilang iyon. Pero wala kang magawa, nakakaramdam na ng gutom ang marami. Walang trabaho. Walang ayuda. Wala kahit na anong pag-asa, kaya napipilitang magbakasakali, kung totoo.
Kaso hindi nga eh, kaya kawawa naman sila.
HATAWAN
ni Ed de Leon