PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagdiriwang ng ika-20 founding anniversary ng Manila Police District (MPD) nitong Miyerkoles ng umaga sa MPD headquarters United Nations Ave., Maynila.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagkaroon ng wreath laying ceremony sa “Heroes Wall” ng mga napaslang na miyembro ng MPD habang sila ay tumutupad sa kanilang mga tungkulin.
Sa maikling programa na may temang “Sang Siglot Dalawang Dekada ng Maipagkakapuri, Pamamarisan at Dangal ng Paglilingkod sa Kamaynilaan na Pinatatag ng Pandemya at Pagsubok” naging tampok ang pagbibigay ng award o pagkilala sa pangunguna pa rin ni Mayor Isko kasama ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga karapat-dapat na MPD personnel at stakeholders lalo sa panahon ng pandemya.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng alkalde, sa kanyang isang-taon at anim-na-buwang panunungkulan ipinagmamalki niya ang mga pulis ng Maynila sa pamumuno ni MPD Director P/Brig. General Leo Francisco dahil sa pagpapatupad ng kaayusan at katahimikan sa Maynila.
Muli rin siyang nagbabala sa mga kriminal dahil ang mga pulis aniya ng MPD ay hindi napapagod na gampanan ang kanilang tungkulin na alunsunod sa kanyang mga direktiba.
Ayon kay Isko, ang pagbabago ay pagtanggap ng katotohanan.
Pinuri ng alkalde ang pulisya ng MPD dahil sa tiyaga at high tolerance sa mga ‘tolongges’ at mga kawatan na kanilang naaresto.
Aniya, malaking bagay ang pagpapatupad ng mga alituntunin na ibinababa ng pulisya lalo ngayong panahon ng pandemic.
Nagpasalamat si General Francisco sa lokal na pamahalaan dahil 100 porsyento ang suporta sa pulisya ng MPD kapalit ng maayos na pagseserbisyo sa lungsod.