IBA at malaki raw masyado ang koleksiyon ng isang bagman o dili kaya’y enkargado na nakadetalye sa Manila Police District , Police Station-2 (MPD-PS2) sa Tondo, Maynila.
Kusang dumarating ang mga tara rito kay bagman na kinilala lang na isang Tata Jay R., na umano’y malapit daw kay Yorme Isko Moreno ang mga padrino.
Picking apples anila na parang nalalaglag na mansanas ang koleksiyon nitong si Tata Jay sa mga vendor at mga operator ng illegal vices gaya ng bookies ng karera, easy two, at marami pang iba sa kanyang nasasakupan o area of responsibility (AOR).
Lumalakas umano ang loob nitong si bagman dahil malapit daw kay Mayor Isko Moreno ang mga padrino nitong ginagamit sa katauhan nina PS-2 Station Commander Col. Gallora at Lt. Tuviera na siya namang detachment commander ng Dagupan.
Nakakonsentra anila ang koleksiyon nitong si Tata Jay sa kahabaan ng Dagupan St., at C.M. Recto Avenue na nag-iiyakan na daw ang mga vendor sa taas ng tarang hinihingi.
Bugbog-sarado rin daw ang mga vendor sa kahabaan ng Assuncion, Sto. Cristo, Wagas at iba pang secondary street na isang Tata Bunso ang nangongolekta na tauhan din ni Tata Jay.
Ganoon din ang idinaraing ng ilang kapitalista ng bookies ng karera at mga kobrador ng easy two na nasasakupan ng kanilang AOR partikular sa Moriones St., at sa kahabaan ng Juan luna St., na sinasabing kanto lang ang pagitan ng bookies.
Dati-rati daw ay tinatiyaga nila ang laki ng intelihensiyang hinihingi sa kanila gayong Sabado’t Linggo lang daw ang schedule ng karera.
Ngayong ibinalik na ulit sa apat na araw ang karera, laking gulat daw nila na doble agad ang hinihinging tara sa kanila sa loob ng isang linggo gayong panawid-gutom lang daw ang kanilang hinahabol.
Maging ang street vendors na nagtitinda lang ng mga tusok-tusok tulad ng mga fishball, kwek-kwek etc., ay napilitan na rin magtaas ng kanilang paninda dahil sa taas ng tarang ibinibigay nila lingguhan.
Dominante raw nina Tata Jay at Tata Bunso ang lahat ng laban sa mga nabanggit na lugar at wala naman daw silang magagawa kundi ang magtiis kaysa nga naman magutom ang kanilang pamilya.
Have mercy, konting awa, at konsiderasyon lang daw ang hinihingi nila sa kinauukulan lalo sa panahong ito ng pandemya na makakain lamang nang tatlong beses isang araw ang kanilang itinatawid.
Malalaman din natin ang kasagutan kung talagang malapit kay Yorme ang sinasabing padrino nina Tata Jay at Bunso.
Hinay-hinay lang daw at huwag masyadong biglain ang laban at baka duguin ang mga kababayan natin sa hirap na sinasapit. He he he…
YANIG
ni Bong Ramos