ni ROSE NOVENARIO
WALANG kapatawaran ang kahihiyang ginawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nang isama ang ilang nagtapos sa University of the Philippines (UP) sa listahan ng umano’y narekrut ng New People’s Army (NPA).
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagkamali ang AFP at tinawag ito na isang “unpardonable gaffe.”
Tiniyak niya na hihingi ng paumanhin ang AFP kasunod ng hirit ni Atty. Raffy Aquino, miyembro ng Free Legal Assistance Group at kasama sa listahan, na mag-public apology ang AFP.
“What reason will they give? I do not know. It’s an unpardonable gaffe,” ani Lorenzana.
Nauna rito’y nag-viral ang AFP Facebook page na may listahan ng UP students na umano’y nadakip at napatay matapos sumali sa CPP-NPA.
Napilitan ang AFP na tanggalin ang FB post makaraan ulanin ng batikos ng netizens dahil sa pagsama sa listahan ng mga buhay pang UP alumni at hindi naging rebelde.
Mahaharap sa kasong cyber libel ang AFP at maaari rin ma-contempt ng Korte Supema dahil ang ilang inakusahan nila ay kasalukuyang kasama sa magdedepensa sa petisyon laban sa Anti-Terror Law.
“The members of the group are consulting and definitely, we want to hold people accountable for this reckless publication of a list and our malicious inclusion in that list,” ani Aquino.