HUWAG magulat kapag hindi tumakbo si Bise Presidente Leni Robredo bilang pangulo sa 2022. Masyadong malaki ang kailangan sa laban; nasa bilyong piso upang manalo. Maski si Rodrigo Duterte ay nangailangan ng bilyong piso mula sa China para manalo.
Hindi madali kaninuman para magkaroon ng laban sa 2022. Kaya minabuti ng Pangalawang Pangulo na huwag na lang tumakbo. Iba na lang.
Saan kukunin ang bilyong piso? Kung manalo naman, paano babawiin ang bilyong piso na ginasta?
Ito ang dalawang tanong sa kanya sa tuwing pag-uusapan ang halalang pampanguluhan sa 2022. Hindi isa o dalawang bilyon ang kailangan para magkaroon ng fighting chance sa halalan.
Maaaring umabot ang kailangan sa kampanya mula P10 hanggang P20 bilyon. Ligtas ang sinuman na mayroon P25 bilyon.
Tanging ang mga burukrata na nakapagnanakaw ng bilyon-bilyong piso ang may tsansa sa 2022. Ang mga parehas at matapat sa tungkulin, huwag nang umasa; wala silang pag-asa kahit kaunti.
Sa maikli, labanan ng may salapi ang susunod na halalan.
Huwag sasali ang maikli ang pisi sapagkat tiyak na luluha sila ng bato sa sakit at hapdi ng matatalo. Sabi ni Mitt Romney, isang senador sa Estados Unidos na natalo kay Barack Obama sa halalan noong 2012: “I’ve been in that situation before. It was no fun.”
Bakit ganito ang sitwasyon sa Filipinas?
Bahagi ng paliwanag ang paglobo ng populasyon ng Filipinas; sa 2022, aabot sa 115 milyones ang populasyon ng bansa. Mahigit 50 porsiyento o kalahati ang milenyal, o edad 18 hanggang 40 anyos. Sila ang may kakayahan na magdikta sa susunod na pangulo.
Kasama sa paliwanag ang kawalan ng party system sa bansa. Bagaman itinatadhana ng Saligang Batas ang pagkakaroon ng muti-party system, o maraming lapian, walang malinaw kung paano isasakatuparan ang nais ng Saligang Batas. Hindi lapian ang dumami kundi mga pamilyang politikal – mula lalawigan ng Batanes sa hilaga hanggang Tawi-Tawi sa timog.
Bagaman ibinabawal ng Saligang Batas ang pamilyang politikal, o political dynasty, hindi naipasa ng Kongreso ang enabling law na nagbibigay ngipin sa Kongreso upang kontrolin ang mga pamilyang politikal. Sila ang sumasakal sa sistemang party list. Mapapansin na kontrolado ng mga pamilyang politikal ang party list system.
Sa gitna ng pagtalikod ni VP Leni Robredo na tumakbo saa 2022 at ang kawalan ng matinong sistema sa mga lapian, saan pupulutin ang bansa? Iisa ang konklusyon: Sa kangkungan ng kasaysayan. Hindi mabubuhay ang bansa sa ganitong sistema.
Babagsak ang buong sistema ng ibinalik sa demokrasya. Iikot lamang nang iikot sa mga mapagsamantala. Hindi kaya ng sistema na suportahan ang sarili nitong bigat. Mauuwi lamang sa wala ang lahat ng ipinundar sa nagdaang panahon.
Hindi kaya ni Rodrigo Duterte at grupong mula Davao City na pamunuan ang bansa. Hindi sila ang hinihingi ng kasaysayan para sa bansa. Kailangan gumising ang ibang sektor para makita na papunta sa kawalan ang Filipinas.
BALARAW
ni Ba Ipe