NOONG Miyerkoles, 6 Enero, Washington D.C, habang binibilang ang mga electoral college votes sa Capitol Hill na kinaroroonan ng Kongreso ng Estados Unidos, sumalakay ang mga tagasuporta ni Donald Trump. Pumasok sila sa loob at pinigil ang bilangan. Ginulo ng mga tagasuporta ni Trump na kabilang sa grupong maka-kanan tulad ng Proud Boys, QAnon, white supremacist, neo-nazi at iba pa, ang proseso upang opisyal na itanghal ang tambalang Joe Biden at Kamala Harris bilang mga nanalo sa halalan noong Nobyembre.
Binasag ang mga salamin ng bintana. Umabot sila sa loob ng main session hall. Marami sa kanila nagparetrato at iwinagayway ang mga bandila na pro-Trump at Confederacy. Nakipaglaban sila sa mga kasapi ng Capitol Hill Police na itinataboy sila. Pinasok ang mga opisina ng kongresista at tinangay ang mga laptop, computers, TV screens at kung ano-ano pang ibang gamit. May mga rioter na nag-selfie. May mga naghanap ng mga kongresistang puwede nilang bihagin.
Isang linggo pagkatapos ng insureksiyon, maigting ang seguridad sa Capitol Hill. Binarikada ang palibot ng Capitol Building dahil may natanggap na intel ang FBI na sasalakay muli ang mga pro-Trump at muling manggugulo. Hiningi ng mga mambabatas na paalisin ni Trump sa pamamagitan ng 25th Amendment at palitan ni Bise Presidente Mike Pence si Trump kahit ilang araw na lang ang nalalabi sa kanyang termino. Tinanggihan ito at mukhang gagamitin ng mga mambabatas ang impeachment upang tuluyang matanggal si Trump.
Si Donald J. Trump ang kauna-unahang pangulo na mai-impeached nang dalawang beses. Hindi magandang katapusan para sa isang tao na naging sanhi ng pagkawatak-watak ng mamamayang Amerikano.
***
Pinipilit ng administrasyong Duterte ang bakunang Sinovac ng Tsina bagaman mas mahal ito at hindi mabisa kung ihahambing sa mga bakuna na gawa ng Pfizer, Astra-Zeneca, Moderna, atbp. Maraming mamamayan ang nagalit nang magbitaw ng salita ang tagapagsalita ni Duterte na si Harry Roque tungkol sa ikakalap na bakuna ng administrasyong Duterte.
Ani Mr. Roque: “Sa mga mayroong ‘colonial mentality’ na may gusto ng Pfizer, puwede po kayong maghintay. Pero ang ating warning po e talagang diyan lang po maibibigay sa mga major na siyudad dito sa Filipinas dahil wala tayong ‘cold chain capacity’ outside Metro Manila.”
Marami ang nagulantang sa binitawang salita ni Mr. Roque na ipinalalabas na wala tayong magagawa dahil ang Sinovac ang ituturok sa braso ng taong bayan. Ito ang masasabi ni Gideon Lasco isang netizen: “Filipinos are not looking for a European, American, or foreign vaccine. Filipinos are looking for the best vaccine regardless of its country of origin. And it is common sense, not colonial mentality that informs its preference.”
Para sa kaalaman ng lahat, ito ang mga bakuna at kalakip nilang presyo para sa dalawang doses: Astra-Zeneca, P610; Novanax, P366; Pfizer, P2379; Moderna, P3,904 – P4,504; Sinovac, P3,629.50; Gamaleya, P1,220; at Covax Facility, P854.
Makikita natin na mayroong ibang bakuna na di-hamak na mas mura kompara sa Sinovac na pinatunayan din na mayroong 50% bisa. Maging si Chavit Singson nagsalita at ito ang sinabi niya: “Dapat iyong mga opisyal natin sa DOH ang maunang magpabakuna. E, baka mamaya subukan sa amin, baka mamatay kaming lahat. Sila muna.”
Hindi panatag ang kalooban ng mamamayan sa inaalok na bakuna ng Sinovac. Tuloy nagdududa ang marami na may under-the-table na nagaganap. Tuloy nagdududa ang marami na nag-aahente para sa Sinovac ang gobyerno ni Mr.Duterte.
Para sa akin, labis akong natawa na sinabi ni Jose Marie Visceral a.k.a. Vice Ganda tungkol sa sinabi ni Harry Roque sa Sinovac vaccine, at dito ko po tinutuldukan ang kolum na ito.
“Sa sabong panlaba nga ‘e choosy tayo, ‘e sa bakuna pa kaya? Ano ito basta may maisaksak lang?! Vaklang twoaahhh!!!”
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman