HINDI maikakaila na naging mahirap para sa lahat ang 2020, pero kahit ano pa ang disaster na nangyari, pinatunayan ng mga atleta ng ONE Championship ang kanilang dedikasyon para magtagumpay.
Kahit pa nga nakaamba ang pandemic, hindi sila nagpabaya para makipaglaban hanggang sa makamtam nila ang kanilang minimithing pangarap.
Mula sa ‘unbeaten streaks’ patungo sa World Titles victories, ang mga mixed martial arts star ng promotion ay ipinakita ang lahat para marating ang posible nilang makamtam, kahit ano pa nga ang balakid na humarang sa kanilang tatahakin.
Narito ang ilang ONE Championship mixed martial artists na umangat ang performances at tiningala ng fans sa loob ng 12 buwan:
#1 Reinier De Ridder, tinanggalan niya ng korona ang two-division ONE World Champion Aung La “The Burmese Python” N Sang. Bago iyon ay tinalo niya sa desisyon si middleweight contender Leandro “Wolf” Ataides sa ONE: Warrior’s code nung Pebrero.
Sa panalo ni De Ridder, ay lumobo sa 13-0 ang kanyang record at sa klase ng kanyang ipinakitang laban—matagal niyang paghaharian ang kanyang dibisyon.
#2 Thanh Le, nagpasiklab si Thanh sa ‘global stage’ sa pamamagitan ng back-to-back knockouts nung 2019. Pagkaraan nun ay umakyat siya mataas na kategorya ng laban nang harapin ng Vietnamese-American fighter si Ryogo “Kaitai” Takahashi sa ONE: A NEW TOMORROW nung Enero. Giniba niya ang Japanese athlete para magkaroon ng karapatang makaharap si ONE Featherweight World champion Martin “The Situp-Asian” Nguyen.
Dito niya ipinakita ang pinakamataas na antas ng kanyang kalidad nang magrehistro siya ng KO laban sa division’s reigning king.
#3 Denice Zamboanga, ang Pinay fighter na tinaguriang “The Menace” ay unang sumalang sa ONE Championship laban kay JIhin “Shadow Cat” Radzuan nung Disyembre 2019 kung saan ay nanalo siya para maging bonafide top contender.
Pumasa ang Pinay fighter sa pinakamahirap niyang asignatura nang talunin niya via unanimous decision ang two-time ONE Women’s Atomweight World Title challenger Mei Yamaguchi sa ONE: KING OF THE JUNGLE.
Nakatakdang lumaban si Zamboanga kay Angela Lee para sa world title nang madiskarel ang laban dahil sa pagbubuntis ng United MMA star.
Hindi na hinintay ni “The Menace” si “Unstoppable” Lee at sa halip ay hinarap niya si Watsapinya “Dream Girl” Kaewkhong sa ONE: A NEW BREED nung Agosto. Kinailangan lang ng Pinay fighter ng 88 segundo para idispatsa ang Thai.
May karta ngayong 8-0 si Zamboanga at naghihintay na lang siya ng tamang pagkakataon para mapalaban sa world title.
#4 Christian Lee, nagarahe siya sa nakaraang 12 buwan dahil sa pandemic. Pero nararapat lang sa kanya ang parangal dahil sa kanyang kalidad.
Ang kasalukuyang ONE Lightweight World Champion Lee ay pinatatag ang kapit sa korona nang talunin niya ang walang talo at top contender na si Luri Lapicus sa ONE: INSIDE THE MATRIX.
Sa pagpasok ng 2021 ay kumpiyansa si Lee na dominahin niya ang lightweight division.
#5 Ritu Phogat, ang pagsampa ng “The Indian Tigress” Phogat’s mula sa wrestling superstar paakyat sa pagiging lehitimong mixed martial artist ay naging mabilis, dahil iyon sa impresibong performance niya sa tatlong laban sa 2020.
Si Phogat ay may 3-0 karta sa pagpasok ng taong 2021. Resulta iyon ng panalo sa matitinding kalaban at ngayon nga ay markado siya sa muling pagtapak sa Circle.