NAPANALUNAN ng pelikulang Fan Girl ang karamihan sa awards sa 46th Metro Manila Film Festival na idinaos virtually Linggo ng gabi, December 27.
Hosts sina Kylie Versoza at Marco Gumabao sa Gabi ng Parangal na itinanghal na Best Actress ang female lead star ng Fan Girl na si Charlie Dizon at itinanghal namang Best Actor in a Leading Role si Paulo Avelino mula rin sa Fan Girl.
Bukod dito, naiuwi rin ng Fan Girl ang mga tropeo bilang Best Picture, Best Director (Antoinette Jadaone), Best Screenplay (Antoinette Jadaone), Best Editing (Benjamin Tolentino), Best Cinematography (Neil Daza), at Best Sound (Vincent Villa).
Nanalo namang Best Actress in a Supporting Role si Shaina Magdayao para sa pelikulang Tagpuan (ng Alternative Vision Cinemas ni Quezon City 5th District Congressman Alfred Vargas); ang Tagpuan din ng direktor na si Macarthur Alejande ang itinanghal na 3rd Best Picture.
Ang nanalong Best Actor in a Supporting Role ay si Michael de Mesa para sa pelikulang Isa Pang Bahaghari na produced ng Heaven’s Best Entertainment.
Ang FPJ Memorial Award ay ipinagkaloob sa pelikulang Magikland na nanalo ring Best Visual Effects (Richard Francia at Ryan Grimarez/Central Digital Lab), Best Production Design (Ericson Navarro), at Best Musical Score (Emerzon Texon).
Ang The Boy Foretold by the Stars naman ang itinanghal na 2nd Best Picture at ito rin ang napili para sa Gender Sensitivity Award at nanalo ring Best Original Theme Song (Ulan by Jhay Cura/Pau Protacio).
Best Child Performer si Seiyo Masumaga ng pelikulang The Missing at Best Student Short Film naman ang Paano Maging Babae ng De La Salle College of Saint Benilde.
Ipinagkaloob naman ang Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award sa Suarez: The Healing Priest.
Ang Special Jury Prize ay iginawad sa yumaong direktor na si Peque Gallaga samantalang ang Manay Ichu Vera Perez Maceda Award ay iginawad kay Ms.Gloria Romero.
Rated R
ni Rommel Gonzales