MULING binisita ni Senator Christopher “Bong” Go kamakailan ang Marikina City, isa sa mga lugar na matinding napinsala ng bagyong Ulysses, upang magbigay ng ayuda sa mga residente roon.
“Hindi naman maiiwasan, sa panahon ngayon ng climate change, talagang lumalakas ang ulan. So, nandiyan talaga ‘yung banta ng pagbaha. Sa tulong ng buong gobyerno, lalo ang local government units sa pamamahala ng inyong mayor, ay dapat maiahon kaagad kayo. Importante sa amin ang buhay ng bawat Filipino. Importanteng buhay kayo,” ayon kay Go.
Nabatid, kabilang sa mga tulong na ipinagkaloob ni Go sa 2,298 residente ay mga pagkain, food packs, vitamins, masks at face shields.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa Concepcion Elementary School, H. Bautista Elementary School, Nangka Elementary School, at Malanday Elementary School, habang tinitiyak na estriktong naoobserbahan ang health at safety protocol upang masigurong walang magaganap na posibleng hawahan ng coronavirus disease 2019 (CoVid-19).
Ilang piling benepisaryo rin ang pinagkalooban ng mga bisikleta upang mabilis silang makabiyahe patungo sa kani-kanilang trabaho ngayong limitado pa rin ang mga pampublikong transportasyon sa bansa.
Mayroon rin namang tumanggap ng mga tablets na magagamit ng kanilang mga anak para sa online educational activities.
“Mga kabataan, makinig kayo. Mag-aral kayo nang mabuti. Konsuelo ninyo sa inyong mga magulang ang makita kayong nakapagtapos ng pag-aaral,” dagdag ng senador.
Bilang karagdagang tulong mula sa tanggapan ni Go, namigay rin ang National Housing Authority (NHA) sa bawat benepisyaryo ng tulong pinansiyal upang muling maitayo ang kanilang mga tahanan na napinsala o winasak ng bagyo.
Kaugnay nito, hinikayat ng senador ang lahat, partikular ang mga nakikiisa sa clean-up operations, na manatiling vigilante laban sa banta ng COVID-19, sa pamamagitan nang pagsusuot ng face masks at face shields sa mga pampublikong lugar, pag-obserba ng social distancing, at regular na paghuhugas ng kamay.
Nangako rin siya na kabilang ang mga vulnerable at mahihirap na sektor sa prayoridad nilang mabigyan ng bakuna laban sa virus, sa sandaling maging available na ito sa bansa.
Nag-alok rin ang senador, chairperson rin ng Senate Committee on Health, na tutulong sa mga benepisaryong nangangailangan ng medical assistance.
Inimpormahan rin niya na mas madali silang makapag-a-avail ng medical assistance mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Malasakit Center sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Barangay Sto. Niño.