PAGKARAANG maglaho sa ‘limelight’ ng boksing sina Iron Mike Tyson at Evander Holyfield, maraming beses na inalok ang una na magkaroon ng ‘trilogy’ ang bakbakan nila ng huli.
Tumanggi si Tyson sa alok ng kampo ni Holyfield na magkaroon ng ikatlong paghaharap ang kanilang karibalan.
Nagretiro ang dalawang kampeon na hindi nangyari ang ikatlong paghaharap, at dahil dun ay inakusahan ng mga kritiko na naduwag si Iron Mike sa hamon.
Matatandaan na dalawang beses na tinalo ni Holyfield si Iron Mike at sa ikalawang pagkakataon na nagharap sila sa ring ay naging kontrobersiyal iyon dahil sa kaagahan ng laban ay kinagat ni Tyson ang taynga ni Holyfield na naging sanhi ng pagkatapyas nun.
Ngayong nagbabalik si Tyson, 54, sa isang exhibition match laban kay Roy Jones, 51, inaasahan na muling mabubuhay sa diwa ng mga nagmamahal sa boksing ang gilas at lakas ng una. Pero mananariwa rin ang naudlot na karibalan nila ni Holyfield.
Sa nasabing pagbabalik ni Tyson, imbes na balikan si Holyfield para makaresbak sa nakakahiyang pagkatalo ng dalawang beses kay Holyfield, ay si Jones ang napili niya bilang kasayaw sa ring sa kanyang comeback fight.
Ayon sa TMZ’s sources, “It’s not even about the money at this point, I think Tyson is scared.
“We’ve offered multiple times and Tyson vs. Holyfield is the fight that should happen.”
Unang tinalo ni Holyfield si Tyson nung 1996 sa 11th round na kinukunsidera na isang malaking upset.
Ang rematch nila ay nangyari ilang taon ang nakaraan at dito nangyari ang tinaguriang ‘Bite Fight” na kung saan ay kinagat nga ni Tyson ang taynga ni Holyfield sa round three ng laban para madiskuwalipika.
Sa nakalipas na mga taon ay naging magkaibigan ang dalawa. At sa ilang pagkakataon ay binibiro ni Holyfield na magkaroon sila ng trilogy online.
May pagkakataon pa na nag-post siya ng picture na sinusuntok niya si Tyson at may caption na: “Who would like to see Holyfield vs Tyson 3?”
May kasagutan si Mike sa kumakalat na espekulasyon tungkol sa isa pang laban nila ng kanyang ‘great rival’ sa isang panayam ni Jim Gray.
Sabi ni Tyson: “That’s always something that we can do if the people want it, if it’s pragmatic enough, I’d love to do it.”