NAGLABAS ng memorandum ang Manila Barangay Bureau (MBB) para sa lahat ng punong barangay kaugnay ng public bidding sa mga barangay.
Ayon sa MBB magtatalaga sila ng kawani na magsisilbing tagasubaybay sa mga gagawing public bidding para sa gagawin nilang mga proyekto.
Ang paglalabas ng memo, ay kasunod ng mga katiwalian ng ilang barangay sa usapin ng mga proyekto na nagkakaroon ng mga anomalya.
Sa memorandum ni MBB OIC-Director Romeo Bagay na nilagdaan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, naglalayong maging transparent ang gagawing ‘public bidding’ ng mga barangay sa kanilang mga gagawing proyekto.
Ang pagdalo umano ng magsisilbing tagapagmasid ng MBB ay batay na rin sa kanilang mandato upang masiguro na ang mga patakaran, alituntunin, at polisiya na napapaloob sa Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991 at RA 9184 (Government Procurement Reform aact) ay maipatupad nang maayos.
Pinayohan ng MBB ang lahat ng punong barangay at Bids and Awards Committee (BAC) chairman sa lahat ng barangay sa Maynila na magbigay ng sipi o kopya ng iskedyul ng kanilang magaganap na “public bidding” upang makadalo ang kanilang itatalagang tagapagmasid.