SUMANG-AYON si Tyronn Lue na maging susunod na coach ng Los Angeles Clippers.
Ang kontrata ay sa loob ng limang taon, ayon kay ESPN’s Adrian Wojnarowski. Dagdag pa niya na kasado at pirmado na ang kontrata.
Si Lue, 43, ay nagsilbing lead assistant coach ng Clippers nung nakaraang season. Ang kanyang promotion ay dumating nang kumalas ang dating coach na si Doc Rivers.
Sa pagpasok ni Lue sa Clippers ay aakyat si Chauncey Billups bilang assistant na bahagi ng coaching staff ng team, iyon ay kung hindi siya kukunin ng Indiana Pacers bilang head coach.
Ang huling pagkakataon na naging head coach si Lue ay nang itimon niya ang Cleveland Cavaliers nung 2015-16 season at iginiya niya ang team sa unang kampeonato nito sa kasaysayan ng prankisa. Si Larry Drew na isa sa kanyang assistants sa Cleveland ay mapapasama rin sa Clippers’ coaching staff, ayon kay Athletic’s Shams Charania.
Ititimon ni Lue ang prangkisa na hindi pa nakararating sa conference finals gayong malakas ngayon ang line-up ng team na pinangungunahan nina Kawhi Leonard at Paul George. Ang kanyang rekord bilang head coach ay 128-93.
Sa pagkakaluklok ni Lue, ang NBA ay kasalukuyang may anim na Black head coaches: Doc Rivers sa Philadelphia, Monty Williams sa Phoenix, Lloyd Pierce sa Atlanta, J.B. Bickerstaff sa Cleveland at Dwayne Casey sa Detroit.