HALOS isang buwan matapos ibasura ang bawas-distansiya, inaprobahan ng Palasyo ang one-seat apart rule sa mga pampublikong sasakyan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, layunin ng pagluluwag sa distansiya sa mga sasakyan na mapasigla ang ekonomiya ng bansa na sumadsad dahil sa CoVid-19.
Imbes isang metro ang layo ng bawat pasahero, one-seat apart na lamang ito.
“Inaprobahan po ng gabinete, na sa pampublikong transportasyon, one-seat-apart na po ang distansiya,” pahayag ni Roque.
Luluwagan na rin aniya ang pagpasada ng mga bus, taxi, motorcycle taxi, shuttle, transport network vehicle service at iba pa.
Sa kabila nito’y kailangan pa rin sundin ang pitong commandment, ayon kay Roque, gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, bawal magsalita o kumain, may sapat na ventilation sa loob ng sasakyan, madalas na disinfection sa mga sasakyan, hindi pagpapasakay sa mga may sintomas ng CoVid-19, at tamang physical distancing.
Aprobado rin ang pagpapatupad ng mas maiksing curfew hours na nagsisimula 10:00 pm hanggang 5:00 am maging ang pagkakaroon ng multiple work shifts para mas maraming manggagawa ang makabalik sa trabaho at mas maraming consumer ang makalabas.
Pinayagan din ang gradual expansion ng business establishments sa 75 hanggang 100 percent at ang gradual expansion ng age group na maaaring makalabas ng bahay gaya halimbawa ng 15-anyos hanggang 65-anyos.
Sakaling tumaas muli ang kaso ng CoVid-19, ani Roque, pananatilihin ang kasalukuyang quarantine level at magpapatupad ng localized lockdown. (ROSE NOVENARIO)
UP-OCTA
SINAWAY
NG PALASYO
IMBES kilalanin, nais pigilan ng Palasyo ang mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) sa pagsasapubliko ng kanilang mga suhestiyon kaugnay sa pandemic lockdowns at ‘ibulong’ na lamang ito sa mga awtoridad.
Ang OCTA Research, ay isang grupo ng independent researchers mula sa UP at University of Sto. Tomas na nagsasagawa ng pag-aaral sa pandemyang CoVid-19 sa Filipinas.
Ayon kay Roque, isa o dalawang epidemiologist lamang ang nasa OCTA kompara sa maraming eksperto na bahagi ng IATF.
“I wish they would refrain from making these recommendations publicly. They can probably endorse or course their recommendations privately to the IATF, nang hindi naman po napapangunahan, highlighting the fact that classifications are normally announced by no less than the President himself,” ani Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.
“If the IATF itself does not make public its recommendations to the President, sana the OCTA team — and this is really an appeal para hindi nagkakagulo – can also course their recommendations to the IATF privately,” sabi ni Roque.
Ang pahayag ni Roque ay bilang tugon sa rekomendasyon ng OCTA kamakailan na ilagay ang ilang bahagi ng Bauan, Batangas; Calbayog, Western Samar; at General Trias, Cavite sa ilalim ng mas mahigpit na lockdown. (ROSE NOVENARIO)