UMAASA si Pangulong Rodrigo Duterte na maipapasa sa takdang oras ang panukalang P4.5 trilyong budget para sa susunod na taon ngayong nalutas na ang ‘tensiyon’ sa liderato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Now, the President is very optimistic…because they have already set aside politics and they can now concentrate on passing the budget in the House,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon sa virtual Palace press briefing.
Niratipikahan kahapon sa Kamara ang pagkahalal kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang Speaker kapalit ni Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano na inianunsyo ang pagbibitiw sa kabila nang paggiit sa mga nakalipas na linggo na nasa panig niya ang mayorya ng 299 kongresista.
Sinabi ni Roque na nagpapasalamat ang Palasyo sa naging serbisyo ni Cayetano bilang Speaker at binati ang paghirang kay Velasco bilang kapalit niya.
“We look forward to working closely with Speaker Lord Allan Velasco because he is also a very close ally of this administration and I think the full cooperation between the executive and the Congress under the leadership of Congressman-Speaker Lord Allan Velasco will continue,” sabi ni Roque.
Sa pulong nina Pangulong Rodrigo Duterte, Cayetano at Velasco, nangako ang dalawang mambabatas na magtutulungan bilang mayorya sa Kongreso. (ROSE NOVENARIO)