MARTES nang itigil ni Ispiker Allan Peter Cayetano ang budget deliberations sa Kamara de Representante. Sa tulong ng kanyang mga kasapakat, ipinatigil niya ang sesyon ng Kamara tungkol sa budget at isinara ang usapan.
Maraming kongresista ang nagalit at mariing tumutol sa ginawa ni Cayetano, pero tila walang ingay ang narinig dahil nasa Zoom meeting ang sesyon. Pinatayan umano ng audio ang mga kongresistang nagrereklamo. Isa si Buhay Party List Kin. Lito Atienza na nagbabalang seryosong paglabag sa House Rules ang ginawa ni Cayetano.
Ani Mr. Atienza: “He didn’t care about Constitutional integrity, throwing everything into the air and making Congress go on a long vacation…”
Dagdag niya, maraming mambabatas ang hindi binigyan ng pagkakataong magsalita. Sabi niya: “Many of us were objecting at the top of our voices but again, we were muted on Zoom and all our objections were thrown out the window …”
Mabigat na paratang.
Pero isa ang maliwanag. Nagawa ni Cayetano na lumabag sa panuntunan ng Kamara. Ito ay isang napakalaking kalapastanganan.
Inalisan niya ng tinig ang mga kasama niya sa Kamara dahil sa isang dahilan lamang. Dahil ayaw niya na maging ispiker si Kin. Lord Allan Velasco ng Marinduque sa Oktubre 14. Ito ay taliwas sa naganap na usapang-lalaki nila ni Cayetano sa harap ng pangulo ng Republika ng Pilipinas – Rodrigo Duterte.
Ipinagpaliban ang sesyon ng Kamara hanggang sa 16 Nobyembre. Nasa balag ng alanganin ang pagtungtong ni Velasco bilang bagong ispiker. Tingin ng marami, ito ay katraydoran sa panig ni Cayetano.
Heto ang pahayag ng Philippine Star: “After passing on second reading the proposed 4.5 trillion 2021 budget, Cayetano immediately suspended the session until November 16, more than a month after the supposed end-date of the term sharing between Velasco and him…”
Sa ganang akin, walang ipinag-iba si Velasco kay Cayetano, dahil pareho silang kaalyado ni Duterte. ‘Eka nga ng ating matalik na kaibigang peryodista si Philip Lustre: “Hayaan natin silang maglaslsan ng lalamunan.”
***
NGAYONG linggo ginugunita natin ang Araw ng mga Guro. Binbigyang-pugay ang mga tumatayong pangalawang magulang natin at tagahubog ng ating isipan at kamalayan upang maging ganap tayong mabubuting mamamayan.
Heto ang sinabi ni Gregoria de Jesus ang Lakambini ng Katipunan na Ika-anim sa Sampung Tagubilin o Aral Sa Mga Kabataan na ginawa niya noong 5 Nobyembre 1928 sa Caloocan: “Igalang ang mga guro na nagmulat sa isip, sapagkat kung utang sa magulang ang pagiging tao, utang naman sa nagturo ang pagkatao…”
Salamat nang marami kay Mauel Laserna at nakita ko sa isa sa kanyang mga poste ang sinabi ni Ka Oryang, ang Lakambini ng Himagsikan.
Sa panahon ng pandemya, salat ang mag-aaral sa direktang kalinga ng mga nagtuturo. Ang pizarra ay napalitan ng computer screen at teaching modules ay ini-email sa mga nag-aaral. Ang amoy ng tisa at eraser ng pencil ay napalitan na, at ang dating direktang pakikipag-ugnayan sa classroom ay nagparang Zoom meeting.
Masaklap ang nagaganap ngayon sa mga nag-aaral sa panahon ng CoVid.
Pero gaya ng lahat ng bagay na hindi maganda sa buhay ito ay may katapusan din. Babalik sa normal ang lahat. Ang importante ay mag-aral. Kayo ang kinabukasan ng bayan. Hindi pangkaraniwan ang nagaganap ngayon. Mananalig lang kayo.
***
NAGULANTANG ako sa nakita kong newsfeed kanina. Andun ang Presidential spooksman Harry Roque sa Boracay at nag-aayang pumasyal doon. Wala sanang masama rito pero tila nakalimutan ni Roque na kasalukuyang nasa gitna tayo ng isang pandemya, at walang mga sasakyan na maghahatid sa mga bisita doon. Kung mayroon man hindi siguradong makababalik sila, at lalong hindi sigurado na hindi sila manghahawa, o mahahawa ng CoVid-19.
Isang nakatatawa para sa akin ay isinama niya iyong babaeng naka-swimsuit na venus-cut na pula sa ginawang white sand beach sa Roxas Boulevard. Napag-alaman ko na siya ay walang iba kundi si Renalyn Macato at dahil dito, tatawagin ko siyang Miss Dolomite.
Hindi ko maintindihan ang pumasok sa utak ni Mr. Spooksman. Napaka-iresponsable niya dahil may pandemya pero kung mag-aya na bumiyahe ganoon-ganon lang. Ito ang sinabi ng dating direktor ng PhilHealth Tony Leachon: “Mixed messaging… Stay home to control viral transmission or encourage people to go out on a vacation in the midst of an uncontrolled epidemic? This is counterintuitive. The economy will never recover if COVID remains uncontrolled. IF WE DON’t understand it, then we are part of the problem…”
Sabagay ‘yan talaga ang track record ni Mr. Roque ‘yung wala sa hulog ang mga ginagawa. Naaalala n’yo pa ba iyong pinaakyat niya ng bakod ang nobyo ni Jennifer Laude sa detention facility ni Scott Pemberton? Kaya hindi ako magtataka kung ang mga magigiting na sundalo ay galit pa sa kanya.
Bago ko tuldukan ang isyu na ito may nakapagsabi sa akin na publicity stunt ang pagsama ni Miss Dolomite sa Boracay. Ito ay upang ma-promote ang kanyang Facebook at Twitter account. So may vested interest siya. Sayang naawa na sana ako sa kanya at baka napilitan lang. Kaya huwag na natin banggitin ito baka sumikat pa.
***
NAGSALITA si Mr. Duterte at mariing itinanggi na sangkot siya sa extrajudicial killings. Aniya noong Lunes: “Wala ho akong pinatay na tao… And I never… never… “
Malayo sa sinabi niya noong 2016 na umamin siya: “I killed about three of them… I don’t know how many bullets from my gun entered their bodies… It happened and I cannot lie about it…”
Eto naman ang sinabi niya noong 2018: “Ang kasalanan ko lang ay extrajudicial killings…”
Humihigpit na ang tali ng katarungan. Nakaabat na ang International Criminal Courts. Magkakaroon din ng tuldok ang lahat ng ito at mabibigyan din ng katarungan ang mga namatay.
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman