NAKAKUHA ang Globe ng kabuuang 715 permits mula sa iba’t ibang local government units (LGUs) sa buong bansa upang udyukan ang pagsisikap nito na mapagbuti ang voice at data experience ng kanilang mga customer.
Patuloy na inaani ng kompanya ang mga benepisyo ng pagtalima ng mas maraming kompanya sa Joint Memorandum Circular (JMC) No. 01 s. 2020 na nilagdaan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of the Interior and Local Government (DILG), Anti-Red Tape Authority, at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan na nagresulta sa mas mabilis na pag-iisyu ng telco permits.
Makaraang makakuha ng 411 permits noong Agosto, ang Globe ay nagawang makakuha pa ng 252 noong Setyembre para sa kabuuang 631 building permits. Ito na ang pinakamaraming permits na naibigay ng LGUs sa Globe sa loob ng dalawang buwan.
“These permits complement our aggressive builds and roll-outs as we not only increase our capacity and capability but more importantly, we make connectivity possible and accessible in areas that don’t have any access to the internet before,” pahayag ni Joel Agustin, Globe Senior Vice President for Program Delivery, Network Technical Group.
Idinagdag ni Agustin na ang Cavite, Bulacan, Batangas, Rizal, at Pangasinan ang top five provinces na nag-isyu ng pinakamaraming building permits.
Pinayagan na rin ang Globe na magtayo ng cell towers sa Agusan Del Norte, Zamboanga Del Norte, Zamboanga Del Sur, Misamis Oriental, Nueva Ecija, Zambales, Maguindanao, Antique, Laguna, Palawan, Oriental Mindoro, Tarlac, South Cotabato, Isabela, at La Union, na kabilang sa 47 lalawigan at lungsod na nag-isyu ng permits.
Bukod sa building permits, ang Globe ay nakakuha rin ng paborableng tugon sa Cebu, Quezon City, Makati, Davao Del Sur, Cavite, Kalinga Apayao, Romblon, Sorsogon, Sultan Kudarat, at Mandaluyong at sa 38 iba pang probinsiya at lungsod kaugnay sa network rollouts nito.
Nakakuha rin ang Globe ng 84 Certificates of Final Electrical Inspection (CFEI) permits sa nakalipas na walong linggo. Ang CFEI permit ay mahalaga sa pagtatayo ng tower dahil isa itong rekisito sa pag-aaplay para sa permanent power source para paganahin ang cell sites o cell towers.