MALABONG iutos ng Palasyo ang pagpapatigil sa political arrests kahit sa panahon ng pandemya.
Kailangan itigil ang paglaban sa gobyerno ng mga aktibista para mahinto ang political arrests sa bansa, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Tugon ito ni Roque sa panawagan ng grupo ng political prisoners na itigil na ng pamahalaan ang pagpapakulong sa quarantine violators at magbaba ng suspensiyon sa political arrests.
“Pagdating po sa quarantine violators at political arrests, kinakailangan po ipatupad ang batas. Para po roon sa political arrests, itigil ninyo po ang laban ninyo sa gobyerno,” sabi ni Roque.
Hinimok ni Roque ang mga pamilya ng political detainees na makipag-ugnayan kay Justice Secretary Menardo Guevarra at mga opisyal ng Bureau of Corrections kaugnay sa posibilidad na pahintulutan ang electronic dalaw.
“Well, hindi ko po alam kung posible iyong electronic dalaw pero pag-aaralan po iyan ng awtoridad. Makipag-ugnayan po tayo kay Secretary Meynard at saka roon sa ating Director ng BuCor,” ani Roque.
Ipinagmalaki niya na kaya hindi umano lumawak ang pagkalat ng CoVid-19 sa mga bilangguan dahil nagsagawa ng swab test sa mga detenido.
“Pero pagdating po roon sa testing, isinasagawa po iyan dahil iyan po ang dahilan kung bakit naabatan iyong mas malawakan pang pagkalat ng CoVid sa ating mga kulungan,” pahayag ni Roque.
Marami na rin aniyang pinalayang bilanggo, partikular ang minor offenders kaya medyo lumuwag sa ilang detention facility. (ROSE NOVENARIO)