IBINASURA ng Palasyo ang kahilingan ng mga negosyante na payagan ang mga manggagawa sa pabrika at opisina na huwag magsuot ng face mask at face shield habang nasa trabaho dahil makaaapekto ito sa kanilang “vision, physical safety and productivity.”
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque hindi “unreasonable” ang naturang patakaran at nakabatay sa siyensiya na ang pagsusuot ng face shield ay makatutulong upang hindi kumalat ang virus.
“You know, it has been proven by science that the wearing of face shields can help prevent the spread of COVID-19. If I’m not mistaken, the wearing of face (masks) is 94 percent effective in preventing COVID while face shields provide an additional three percent, so 97 percent protection is provided to the people,” sabi ni Roque sa virtual Palace press briefing.
Sa liham na ipinadala sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), iginiit ng mga negosyante na ang mga obrero sa construction at manufacturing industries gaya ng electronics at automotive ay gumagamit ng maliliit at sensitibong bagay sa kanilang produksiyon.
Mahigpit naman anila ang pagpapatupad ng minimum health protocols sa kanilang mga pagawaan gaya ng paghuhugas ng kamay, pagkuha ng temperatura at sanitasyon ng mga sapatos. (ROSE NOVENARIO)