MAGHAHANAP ng ibang platform ang mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos tanggalin ng Facebook ang pages na konektado sa kanila, maging sa military at pulis, bunsod ng “coordinated inauthentic behavior.”
Para kay Presidential Spokesman Harry Roque, inaasahan na ang naging hakbang ng Facebook dahil ang inupahang fact-checkers nito ay Rappler at VERA Files na kilalang kritikal sa administrasyon.
“Bakit ‘di sila kumuha sa kabilang kampo tapos ‘yung country president pa nila diyan ay talaga namang nagtrabaho para sa oposisyon. So ‘wag tayong maniwala na palibhasa nagdesiyon ‘yung mga tao na meron nang paninindigan laban sa gobyerno na ginagamit itong Facebook pages na ito,” sabi niya sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo.
“Pangalawa, pabayaan na natin ‘yan, sila ang may-ari no’ng negosyo na ‘yan. Pupunta na lang sa ibang medium ang mga sumusuporta sa gobyerno at ‘yan naman po ang kuwento ng supporters ni President Duterte na mula’t mula po ay naghahanap ng alternative venues para ipakalat ang impormasyon.”
Nauna rito’y aminado si Roque na walang magagawa ang Palasyo sa naturang desisyon ng Facebook pero sana ay maging maingat ang social media giant sa mga hakbang upang hindi mapagdudahan na may kinikilingan. (ROSE NOVENARIO)