ISA pang linggo ang dumaan, isa pang linggo na kalbaryo para kay Juan De La Cruz. Dala ito ng anim na buwan na bartolina sanhi ng pandemikong CoVid-19. Samantala, nagsimula na ang mga kapit-bayan natin na magbukas ng kanilang mga hangganan. Nagsimula na sila tungo sa normalidad.
Samantala tayo sa Filipinas ay dumaranas ng pinakamahabang “lockdown” sa buong daigdig, at ang mga heneral na itinalagang mamuno ni Rodrigo Duterte ay ginawang ‘stalag’ ang bayan.
Ang mga Filipino ay likas na matimpiin at bihira ang reklamador. Sabi ng maraming banyaga, ang Filipino raw ay parang kalabaw, magtrabaho, tahimik, at nakatutok sa ginagawa, maingay man, pero masayahin at hindi iniinda ang hirap ng paggawa. Ito ay mapapansin lalo sa ating mga OFW. Sila ay nagsisipag upang makaipon ng pera na ipadadala nila sa mga mahal nila sa buhay.
Tunay na sila ang ating mga makabagong bayani. Salamin ng tunay na pagkatao natin para sa mga banyaga.
***
SI Heneral Carlito Galvez ang tinalaga ni Mr. Duterte na mamahala sa IATF. Sabi niya magiging estrikto sila sa mga taong positive sa CoVid-19. Hindi masama ang dagliang pag-iingat sa CoVid-19, pero ang masama ay tratohin na parang isang kriminal ang nagka-CoVid. Sa ganang akin, hindi military kundi medikal ang dapat na hakbang ni Mr. Duterte. Ang problema, itong si Mr. Duterte, nagluklok ng isang retiradong sundalo imbes siyentipiko o doktor.
Kaya tumagal nang ganito ang problema natin dahil solusyon-militar imbes solusyon-medikal ang pinairal ni General Galvez. Kaya ang mga nasa frontlines nagparang mga ‘peon’ na pinamamahalaan ng mga kawal. Kaya nagtataka pa ba kayo kung bakit ang Filipinas ang may pinakamahabang quarantine sa buong mundo?
***
NAGKAROON ng kasunduan ang pamahalaan ni Mr. Duterte at ng Dito Telecommunity na magtatayo ng mga cell tower sa loob ng mga base militar ng bansa. Pero ayon sa tagapagsalita ng AFP General Edgard Arevalo wala pang proposal mula sa Dito Telecommunity kung ilan ang cell towes na itatayo sa mga kampo. Ito ay pinatotohanan ni Salvador Medialdea wala pang kontrata na nilagdaan sa pagitan ng Dito Telecommunity at ng pamahalaan ni Mr. Duterte.
Ito ay pagkatapos lumabas ang retrato ni Dennis Uy kasama ang mga kinatawan ng AFP. Dito makikita na ipinalandakan ni Mr. Uy ang isang dokumento. Hindi ito kontrata kundi isang Memorandum of Agreement at hindi pa isinusumite ng Dito Telecommunity ang detalye at dami ng cell sites na itatayo sa mga kampo. Kaya hindi pa magkakaroon ng tunay na kontrata.
Sa akin, hindi pa ito kasunduan na nakaukit sa bato, bagkus parang usapang lasing na nakasulat sa tubig. Heto pa. Walang ilalabas na pera ang Dito Telecommunity na pag-aari ni Davao businessman Dennis Uy at ng Udenna Corporation at subsidiary nito na Chelsea Logistics Corporation.
Ito rin ay pag-aari ng Chinese state-owned China Telecommunications Corporation parent company ng China Telecom. Ang China Telecom ay isa sa mga pinagbawalang kompanya sa US dahil sa pangamba nila sa pag-eespiya ng Tsina. Kayo na po ang bahalang mag “fill in the blanks” dito.
***
NAGULAT daw ang Malacañan nang lumabas ang balita na ang China Communications Construction Co. Ltd. (CCCC) ang nakakuha ng kontrata na gawin ang airport sa Sangley Point ay ‘blacklisted’ sa Estados Unidos dahil sa paggawa nito ng ‘artificial islands’ sa West Philippine Sea.
Ito ay lumabas nang tanungin ni Rep. Ferdinand Gaite si Executive Secretary Salvador Medialdea noong Lunes sa House briefing para sa proposed P8.2 billion 2021 budget para Office of the President.
“I only read that in news articles. There has been no confirmation on the construction of Chinese bases.”
Ito ang tugon ni Medialdea nang tanungin siya ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite sa pag-blacklist ng Estados Unidos sa China Communications Construction Co. Ltd.
Sa tingin ko nagpapatay-mali ang gobyerno ni Mr. Duterte, at todo ‘damage control’ ang mga tauhan niya na mapapansin na sumasalag sa malasikad na tanong.
***
Isang Lunes ang muling dumaan at isa pang press briefing ng Malacañan ang tiniis ng madla. Kapuna-puna na ang publiko ay nananawa na sa mga birada ni Mr. Duterte, na iisa na lang ang nagiging litanya. Pero sa akin, bilang isang mamamahayag, tungkulin ko ang pakinggan ito at magbigay ng aking sapantaha. Minsan nakaaliw. Minsan, nakasasakal na.
Pero kahit gasgas na nabili na ang script na ito, minsan may lilitaw na katatawanan at napapawi ang suya’t sama ng loob na mararamdaman mo pagkatapos ng litanya. Heto ang ilang bagong statements ni Mr. Duterte:
“Wag kayong maniwala sa mga dilawan pagdating sa laban sa CoVid-19.”
Heto pa ang isa: “Kung walang vaccine maghalikan na lang tayong lahat.”
At ang pinakapeborit ko sa lahat: “I never lie.”
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman