INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na kunin ang serbisyo ng maliliit na negosyo para sa paggawa ng face mask na ipamamahagi nang libre sa publiko.
Ang direktiba ay nakasaad sa memorandum na inilabas ng Pangulo kahapon na nag-aatas sa Department of Trade and Industry (DTI) na organisahin ang mga micro, small, and medium enterprises , gayondin ang mga samahan sa komunidad para sa naturang proyekto.
“It is imperative to reinforce non-pharmaceutical interventions, such as minimizing face-to-face interaction, wearing of face masks and face shields, and observing social distancing, to complement our healthcare facilities and support health workers in containing the further spread of the CoVid-19 virus,” ayon sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Responsibilidad ng Department of Health (DOH) na alamin ang pinakamura pero de-kalidad na face mask.
Bukod sa DTI at DOH, pinatutulong rin sa proyekto ang Department of Budget and Management, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Social Welfare and Development, at ang Presidential Management Staff.
Anim na buwan nang ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask ngunit ngayon lamang umaksiyon ang national government para mamahagi ng libreng face mask.
Inobliga rin ng gobyerno ang mga mamamayan na magsuot ng face shield sa pampublikong sasakyan at commercial establishments.
Kamakailan ay nag-viral ang larawan ng isang magbubukid mula sa Cauayan City, Isabela na suot ang face mask gawa sa dahon ng saging dahil wala siyang pambili ng face mask.
Sa kabutihang palad, imbes arestohin at pagmultahin, binigyan ng mga pulis ng face mask na yari sa tela ang magsasaka. (ROSE NOVENARIO)