MATUTUWA ba o mangangamba ang mga executive at empleado ng Film Academy of the Philippines (FAP) sa napapabalitang pagtanggi ni Vivian Velez na i-release ang pangalawang tseke ni Leo Martinez na P500, 000.00 bahagi ng retirement pay ng aktor bilang FAP director general?
Pwedeng natutuwa sila dahil pinangangalagaan ni Vivian bilang bagong FAP director general ang pondo ng organisasyon na bahagi ng Office of the President of the Philippines. Pero pwede rin silang mangamba na baka gawin din sa kanila ni Vivian ang ginawa nito kay Leo.
Ayon sa report ng Philippine Entertainment Portal (PEP) website, mahigit sa isang milyon (P1,052,777.67) ang naapruban ng FAP Board of Governors na retirement fee ni Leo na nagretiro noong October 2019, at naipagkaloob na sa kanya ang kalahati ng retirement pay n’ya noong buwan ding iyon. Sixteen years na nanungkulan si Leo bilang FAP director general.
Noong sumunod na buwan, si Vivian na ang na-appoint na FAP director general. Hinihintay ng comedian-actor ang kalahati pa ng aprubadong retirement pay n’ya. Noong nainip siya na walang dumarating na komunikasyon sa kanya na kunin na ang pangalawang tsekeng kabuuan ng retirement pay, sumulat siya kay Vivian.
Nakatanggap ang PEP.ph mula sa isang showbiz insider ng kopya ng palitan ng liham nina Leo at Vivian hinggil sa isyu. Sa mga sulat na ‘yon napag-alaman ng PEP na sinuspinde ni Vivian ang pagbibigay ng “second at last tranche” ng retirement pay ni Leo.
Noong March 3, 2020, pormal na nagpadala ng liham si Vivian kay Leo. Ang sagot ng aktres ay walang “legal basis” ang paggawad ng retirement pay kay Leo.
Sa ulat ng PEP, ginunita nito na ang FAP ay isang government institution na binuo para tulungang mapaganda ang working conditions ng film workers sa bansa.
At ayon nga kay Vivian, bilang government agency, ang FAP ay kailangang sumunod sa mga regulasyon ng “civil service and government auditing procedures” pagdating sa paggasta ng pondo ng FAP.
Pagbibigay-diin ni Vivian sa sagot n’ya sa sulat ni Leo: “Its officers are subject to the ethical standards of public officials and any money that goes into its coffers and disbursed are public funds.
“Thus, given the circumstances under which the ‘benefit’ of 1,052,7777.67 Pesos in your favor was approved, it does not appear that this satisfies the requirements of law.”
Marami raw nasilip na “red flags” si Vivian, ayon sa PEP.
Una ay wala raw pinagbasehang “standard” o “formula” sa computation ng retirement pay ni Leo.
Ikalawa’y “questionable” raw ang nag-apruba ng budget dahil mga indibidwal umano ito mula sa private sector.
Ikatlo, wala umanong “clearance” mula sa Department of Education, ang government agency na may mandato para pangasiwaan ang FAP.
Sinabi rin ni Vivian na nakasaad sa civil service law na ipinagbabawal sa appointive public officer ang tumanggap ng “additional or double compensation.”
Paliwanag pa ni Vivian: “To be candid, we have not found any sound legal basis for the benefit you seek which you have partially received already.
“In view of the foregoing, I am constrained to deny your request…”
Pero pasubali pa rin n’ya sa kapwa alagad ng industriya: “However, I do welcome your providing the basis for the benefit that you seek.
“In the alternative, I am also willing to formally query the State Auditor, the Civil Service Commission and/or the Office of the Solicitor General on this particular issue so that a proper opinion may be rendered.”
Sinabi rin ni Vivian na lubhang maaapektuhan ang budget ng FAP kapag inawas dito ang natitirang retirement pay ni Leo.
Pagkaraan ng ilang buwan, lumapit si Leo sa Malacañang para tulungan siyang makuha ang natitirang retirement pay.
Ipinadala ni Leo ang kanyang sulat kay Executive Secretary Salvador Medialdea noong August 24.
Ipinaliwanag ni Leo sa liham na malaking bagay sa kanya ang retirement pay lalo sa panahong wala siyang pinagkakakitaan.
“I have had no work since the lockdown in March and have not received any income since then.
“As our resources are almost wiped out, this payment due to me can definitely help pay our household bills and other essential needs like our maintenance and other medicine, plus doctor appointments.
“I am a senior citizen thus I have not left my home since March.”
Nagbanggit si Leo ng isang ebidensiyang malaki ang nagawa n’ya para sa FAP sa 16 taon pagtatrabaho n’ya ruoon. Aniya: “…All records will show how much our office was able to bring in millions since I sat in office. FAP is under the Office of The President but does not receive any subsidy or budget.”
Binanggit din ni Leo sa Executive Secretary ng bansa na noong March 11, 2020 ay ipinadala ng mga abogado ni Leo ang reply letter ng aktor kay Vivian.
Naka-attach sa sulat ni Leo sa Malacañang ang kopya ng reply letter ng kanyang mga abogado kay Vivian.
Ang mga abogado ni Leo ay sina Francisco Rodrigo Jr., Tomas Guno, at Vera Shayne Salcedo ng Rodrigo Berenguer & Guno Law Office. Si Atty. Rodrigo ay asawa ng aktres na si Boots Anson Rodrigo.
Taliwas sa pahayag ni Vivian, ipinaliwanag ng tatlong abogado na lehitimo ang approving body na pumayag bigyan ng retirement pay si Leo.
Binubuo ito ng Board of Governors, alinsunod sa panuntunan ng FAP.
Ang mga miyembro nito ay ang Philippine Motion Picture Producers Association (PMPPA), Movie Producers and Distributors Association of the Philippines (MPDAP), Kapisanan ng mga Direktor ng Pelikulang Pilipino (KDPP), Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT), at Screenwriters Guild of the Philippines (SGP).
Kasama rin ang Film Editors Guild For Motion Pictures (STAMP), United Film Musical Directors of the Philippines (UFIMDAP), Production Designer Guild of the Philippines (PDGP), Assistant Directors and Production Managers’ Guild of the Philippines (AD/PM), at Movie Workers Welfare Foundation Inc (MOWELFUND).
Paglilinaw ng mga abogado: “Please note that the members of the board are all ex oficio members, that is, they became members of the FAP board by reason of the positions they were holding at the time. Hence, their qualifications cannot be questioned.”
Ayon pa rin sa mga abogado ni Leo, may isang dating FAP officer ang tumanggap ng retirement pay na P227,586.21 noong 2017; at isa pang dating officer na tumanggap ng P150,000 noong 2002.
May walong dating FAP officers din na na-retrench noong 2007 at binigyan ng separation pay na mula sa P20,000 hanggang P179,000.
Hindi naidetalye sa sulat ng mga abogado ni Leo kung ano ang standard ng computation para sa retirement pay ng aktor.
Ang sabi lang nila sa kaso ni Leo, ang halaga ng retirement na iginawad ay ibinase sa tagal ng serbisyo ng actor bilang FAP director general.
Ayon pa sa mga abogado: “He [Leo] discovered that FAP was entitled to a share in the cultural tax collected by the local governments in Metro Manila and, through his tireless efforts, FAP collected approximately Thirty Eight Million (Php38,000,000) Pesos.”
Noong nanunungkulan pa si Leo ay PHP33,000 lamang ang suweldo ng aktor. Pero napag-alaman daw ni Leo na noong umupo sa puwesto si Vivian ay tinaasan umano ang suweldo nito pati ibang staff members ng FAP.
Punto ng mga abogado ni Leo: “Further, our client considered his tenure as director general of FAP, not as a source of income, but as ‘payback’ to an industry that he loved and was good to him.
“This is the reason why he was satisfied to receive a salary in the measly amount of P33,333.33 a month.”
Hindi rin daw applicable ang sinasabi ni Vivian na “additional or double compensation” ang sinisingil ni Leo sa FAP dahil retirement pay iyon.
Pero hands-off naman ang Malacañang sa isyu.
Nakakuha rin ang PEP.ph ng kopya ng sulat ni Malacañang assistant secretary Atty. Kim Raisa Uy. Ipinapasa ni Uy kay Vivian ang natanggap na sulat ng Malacañang mula kay Leo. Nasa kamay ni Vivian kung paano reresolbahin ang apela ni Leo.
Bahagi ng pahayag ni Uy: “Advice of the action taken hereon direct to the party concerned shall be highly considered and most appreciated.”
Bukas ang HATAW sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa ulat na ito mula sa PEP.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas