“KAPAG kayo po ay nakakita ng frontliners, please give them a simple thank you.”
Ito ang apela ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa publiko partikular sa mga Manileño kasabay ng pagdiriwang ng “Araw ng mga Bayani.”
Ayon kay Domagoso, ang isinagawang flag raising ceremony ay iniaalay sa lahat ng mga nagsisilbing frontliners na itinuturing na mga bagong bayani lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Sa mga barangay, kawani ng pamahalaan, pulisya at higit sa lahat ‘yung ating medical frontliners. Keep up the good job, our doctors, nurses, and medical staff are doing their best to continue to raise the high recovery rate,” giit ni Domagoso.
Kaugnay nito, bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani, personal na tinanggap ni Domagoso ang limang bagong motorsiklo na donasyon mula sa Filipino-Chinese Shin Lian Association Inc., na kinatawan ni Mr. Jefferson Lau, Fuijan General Business Association President Mr. Andy Co, Philippine Chinese Commerce and Industry Overseas Association Inc., at kay Mr. Nelson Guevarra ng PG Flex Linoleum.
Ang limang motorsiklo na donasyon ay ini-turnover kay Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje upang magamit ng traffic enforcers, na nagsisilbing frontliners, sa kanilang operasyon sa pagsasaayos ng trapiko sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay MTPB Chief for Operations Wilson Chan Sr., mas mapabibilis ang pagresponde ng kanilang mga tauhan ng motocycle unit lalo sa mga emergency situation o aksidente sa kalsada na nagdudulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko.