NAGLABAS ng pahayag ang Diocese of Lucena nitong Lunes na nananawagang kanselahin ang tatlong coal-fired power plant na balak itayo ng SMC Global Power Holdings at Atimonan One Energy (A1E) ng Meralco sa Quezon, na dadagdag pa sa pagkasira ng kalikasan dulot ng mga planta ng coal na kasalukuyan nang may operasyon dito.
Ang pahayag na ito, na pinirmahan ng higit 100 mga pari kasama si Lucena Bishop Mel Rey Uy, ay ipinadala sa SMC, A1E, at mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.
“Nananawagan kami sa mga korporasyong ito at sa mga subsidiariya nila na pakinggan ang tinig ng kalikasan at kanselahin ang planong ipatayo ang mga planta ng mahal, marumi, at nakamamatay na enerhiya mula sa coal. Nananawagan din kami sa ating lokal at pambansang pamahalaan na pakinggan ang mamamayan at huwag hayaang makapasok pa ang dagdag na coal sa minamahal nating probinsiya,” sabi ng mga pari sa kanilang pahayag.
Kasalukuyang mayroon nang 1,644 MW coal sa mga munisipalidad sa ilalim ng Diocese of Lucena. Kung maitayo ang tatlong bagong planta, madadagdagan ito ng 3,330 MW pa.
“Ngayon pa lamang, nagdurusa na ang mamamayan ng Quezon sa mga problemang pangkalusugan dahil sa lason na ibinubuga ng mga planta ng coal. Ninakawan din sila ng karapatang magamit ang lupa at kalayaang makapaghanapbuhay nang masagana, pinahihirapan ng polusyon, nakaranas ng agresyon, at naisantabi sa mga proseso ng pagpapasiya,” sabi sa pahayag.
Ginawa ang panawagang ito sa pagsisimula rin ng “Season of Creation,” ang taunang selebrasyon na binubuo ng mga aksiyon at panalanging pangkalikasan, lalo sa usapin ng krisis sa klima.
“Tinututulan namin ang mga coal-fired power plant dahil taliwas ito sa pangangalagang kailangan ng daigdig, ang nag-iisa nating tahanan. Ang kanselasyon nito ay makatutulong makapigil sa mga greenhouse gas emission, at magsisilbing pahayag ng pagtanggi sa anomang uri ng hindi sustenable at maruming mga gawain sa Quezon at sa buong bansa,” aniya.
Kasalukuyang bumababa ang pandaigdigang paggamit ng coal dahil sa krisis sa klima, masasamang epekto nito sa kalikasan, at mga peligro ng pamumuhunan sa mga coal project.
Samantala, ang Filipinas na madalas naaapektohan ng mga kalamidad dala ng pag-init ng daigdig, ay patuloy pa rin sa pagpaparami ng mga planta ng coal sa bansa.
“Nakikiisa ang Power for People Coalition sa mga komunidad ng Quezon sa kagustohan nilang iwanan na ang coal, at maasahan nilang patuloy ang pagsuporta namin sa panawagang ito. Hindi dapat maging hadlang ang anumang bagong coal plant sa pagkakaroon ng malinis at murang koryente para sa mga Pilipino,” sabi ni Gerry Arances, Convenor ng P4P.
Ang grupong P4P, kasama ng mga kinatawan ng simbahan at komunidad sa Quezon, ay nanguna noong Nobyembre 2019 sa pagpepetisyon sa Kagawaran ng Kalikasan at Likas na Yaman (DENR) laban sa proyekto ng A1E dahil sa paglabag sa mga patakarang pangkalikasan at pang-edukasyon ng mamamayan.
Sumusuporta rin ang P4P sa iba’t ibang gawain laban sa mga proyekto ng SMC ng coal.