SA GITNA ng krisis dulot ng pandemyang CoVid-19, maraming mga kababayan na may ginintuang puso ang gumawa ng paraan sa abot ng kanilang munting kakayanan upang makatulong sa kapwa.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, isa rito ang maituturing na gumawa ng kabayanihan sa kapwa na si Central Luzon Philippine National Police (PNP) Regional Director, Brig. Gen. Rhodel Sermonia na nanguna sa pagtatatag ng Rektang Bayanihan Adopt a Family Program na halos isang milyong indibidwal ang natulungan sa kaniyang nasasakupan.
Maituturing na bayani si B/Gen. Sermonia dahil sa kanyang pagsisikap at inisyatiba nang siya ay makaisip ng isang konsepto para magtulungan at matulungan ang mga nangangailangan sa kanyang lugar, lalo ang mga kapos-palad, na nasa malalayong lugar sa Gitnang Luzon.
Sa pamamagitan ng Rektang Bayanihan, nagawa ni Sermonia na organisahin ang kanyang mga kakilala, kaibigan, kasamahan sa hanapbuhay, at iba pa, upang magsama-sama, magtulong-tulong at mag-ambag-ambag upang tulungan ang mga naapektohan ng community quarantine o lockdown nang dahil sa pandemyang CoVid-19.
Ang kabayanihang ito ay kasabay ng hindi rin matatawarang mga tagumpay ng kaniyang unit laban sa kriminalidad at terorismo.
Hindi lamang sa kawang-gawa rekta sa mamamayan, si Sermonia ay mayroong programa sa telebisyon, radio at internet na Rektang Konek Aksiyon Agad (RKAA) na tumutugon sa mga reklamo at hinagpis ng ating mga kababayang biktima ng samot-saring pang-aabuso.
Libo-libo ang nagsilapit sa Rektang Bayanihan ni Sermonia na tinatawag na “Manong Rhodel” para magbigay ng kanilang tulong, donasyon gaya ng bigas, de lata, at relief goods na makakain sa panahon ng sakuna, mga personal na gamit gaya ng hygiene kits at maging mga buhay na manok mula sa napakaraming donor upang makain ng mga nangangailangan.
Iniikot ni B/Gen. Sermonia ang mga probinsiya upang direktang ipaabot sa mga mamamayan ang mga biyaya ng Rektang Bayanihan.
Mula nang naupo bilang regional director, si Sermonia ay kinakitaan ng matatag na liderato at malaki ang nagawang improvement sa PRO3.
Nagawa nang maayos ni B/Gen. Sermonia na maipamahagi ang mga donasyon sa lahat ng nangangailangan sa tulong ng kanyang mga tauhan sa Police Region Office 3 (PRO3).
Mula noong 17 Marso, hanggang nitong 13 August, mayroong 918,650 pamilya ang nabigyan ng tulong o ayuda ng Rektang-Bayanihan ni Sermonia.
Kaugnay nito, kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang kabayanihan ni B/Gen. Sermonia sa paggawad sa kanya ng Special Individual Award dahil sa pagkilos at pagtulong sa mga mamamayan sa gitna ng krisis gawa ng pandemyang CoVid-19.
Ang karangalang ito ay ipinagkaloob kay B/Gen. Sermonia nang idaos ang ika-119 Police Service Anniversary noong 6 Agosto 2020 upang kilalanin ang kanyang pamumuno sa rehiyong nasasakupan hindi lamang para labanan ang kriminalidad kundi labanan ang hindi nakikitang kaaway na CoVid-19 sa pamamagitan ng pagtulong sa mga naapektohan.
Nauna rito, ang isa pang karangalan ang iginawad kay B/Gen. Sermonia noong 30 Hulyo 2020, nang gunitain ang 25th Police Community Relations Month, ito ang Special Unit Award dahil sa kanyang malaking kontribusiyon sa programa ng PNP na Kapwa Ko, Sagot Ko, sa pamamagitan ng kanyang sariling Rektang Bayanihan Adopt a Family Program.
Sa pamamagitan ng programang ito at sa tulong ng mga opisyal at mga tauhan ng PRO3, naipadadaloy ang mga tulong nang maayos sa gitna ng mga umiiral na community quarantine ng pamahalaan.
Sa pamumuno ni B/Gen. Sermonia, 24.26 prosiyento ang ibinaba ng krimen sa Central Luzon o pagbaba ng 9,916 kaso ng krimen.
Umabot rin sa 7,945 indibidwal ang naaresto sa 5,189 anti-illegal drugs operations na may 122,727.97 gramo ng shabu ang nakompiska na nagkakahalaga ng P800 milyon, bukod pa rito ang marijuana at ecstacy na kanilang nasamsam.