HABANG nagbubunyi ang karamihan sa mga kaalyado ng Pangulong Rodrigo Duterte sa talumpati sa kanyang State of the Nation Address (SONA), ilan ang nagpahayag ng kanilang pagkadesmaya sa kawalan ng malinaw na giya kung ano ang gagawin ng gobyerno sa laban nito sa pandemyang COVID-19.
Hindi rin umano, nabangit ng Pangulo ang gagawin ng gobyerno sa rehabilitasyon ng Marawi matapos mawasak sa pambobomba ng gobyerno sa mga hinihinalang kuta ng mga teroristang Maute ilang taon na ang nakaraan.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, inasahan niyang babanggitin ng pangulo ang “roadmap” sa pagtungon sa malawakang pagkawasak ng kabuhayan ng taongbayan at ekonomiya ng bansa.
“It is completely frustrating that any masterplan was only mentioned peripherally,” ani Lagman.
Ayon kay Lagman ang inaasahang roadmap ay ‘naligaw sa gilid ng kalsada’ kung saan sinabing magtiwala na lamang ang mga tao sa gobyerno.
“The anticipated roadmap meandered into the roadside of trite generalities and an invocation that the people should ‘trust its government’ without telling them what actually the government’s plans are,” ani Lagman.
Pinuna din ni Lagman ang mga panukalang gustong maisabatas ng pangulo. Aniya karamihan sa mga batas na ito ay binangit na sa mga nakaraang SONA.
“All of these proposed legislations can be threshed out in the Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) which the President has not convened for a long time,” ayon sa kongresista ng Albay.
Ang malinaw na sinabi ng pangulo na may kaugnayan sa pagtugon sa COVID-19 ay ang “Bayanihan Act Part II” na popondohan lamang ng P140 hangang P162 bilyones.
“This miniscule amount cannot properly respond to health and economic emergencies, and it is stingy compared to our ASEAN neighbors whose COVID-19 expenditures are much bigger in gross and per capita outlay,” aniya.
Ang pondo ng Bayanihan Act 2 ay hamak na mas maliit pa kaysa stimulus package na inaprobahan ng Kamara noong 4 Hunyo 2020 sa House Bill No. 6815 o ang Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE) sa halagang P1.3 trilyon.
Nalungkot din si Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan dahil wala man lamang binanggit ang pangulo tungkol sa rehabilitasyon ng Marawi.
Tatlong taon na ang nakalipas nang mawasak ang Marawi sanhi ng pambobomba sa mga kuta ng teroristang Maute.
“If the rehabilitation of Marawi was not mentioned in the SONA, does this mean it will not be given priority?” tanong ni Sangcopan.
“We waited for him to make any pronouncement that will somehow hasten infrastructure development in Marawi, but there was nothing,” ani Sangcopan.
Noong Mayo tatlong taon na ang Marawi Siege pero ang 17,000 residente ay nasa temporary shelters pa rin habang ang iba ay nakitira lamang sa mga kamag-anak sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.
“Quarantine rules demand that you stay home to address the COVID-19 pandemic, but for the people of Marawi, they still do not have homes to return to,” ani Sangcopan.
Matatandaang tinukoy ni Raymund de Silva, isang political activist na nakabase sa Mindanao sa loob ng tatlong dekada sa kanyang artikulong COVID-19: Its Impact on the Philippines para sa Europe Solidaire Sans Frontiers at inilathala sa europe-solidaire.org, ang tatlong Marawi Generals na sina National Task Force chief implementer at Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez; Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista; at Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.
Si Galvez ay nagsilbing Western Mindanao Commander, si Bautista ang ground commander at si Año ay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff nang maganap ang Marawi siege noong 2017.
Sa kabila aniya ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa pagbangon ng Marawi City, wala pa ring nangyayari at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakababalik sa kanilang mga tahanan ang mahigit 17,000 Maranao, tinawag niyang “internally displaced persons” o IDPs at nasa temporary shelter pa rin hanggang abutan ng pandemyang COVID-19.
(GERRY BALDO)