NAGSIMULA na ang ikalimang taong edisyon ng Kasambahay, kasambuhay Pilipinas Awards na pinalaki ang biyayang cash para sa mga kikilalaning outstanding kasambahay. Kasabay nito, ginawa rin itong online para hindi na kailangan pang umalis ng bahay ang kasambahay para lang sumali.
“Mula sa dating P75,000.00, nasisiyahan kami na P100,000.00 na ang biyayang makakamit ng bawat isa sa 10 hihiranging outstanding kasambahay sa taong ito,” sabi ni Xavier Zialcita, 2020 JCI Senate Chairman ng taunang search.
Ang kasambahay, Kasambuhay Pilipinas Awards ay taunang paghahanap ng mga kusinera, yaya, katulong, hardinero, family drayber, at iba pang manggagawang bahay na kikilalanin ng JCI Senate Philippines na namumukod – tangi sa kanilang trabaho. Pinipili ang pararangalan batay sa pagdadala ng sipag, katapatan, at Filipino values sa trabaho.
Daan-daan ang sumasali kada taon pero 10 lang ang pinararangalan. May 35 kasambahay na ang kinilala bilang outstanding kasambahay at mahirap kalimutan ang kanilang mga salaysay.
Sampu pa ang idaragdag sa kanilang hanay sa taong ito. Sa mga nais magkamit ng pagkilala, mangyaring bumisita Sa JCI Kasambahay page sa Facebook para sa detalye.
“Taun-taon, naglalabas ang Kasambahay, Kasambuhay Pilipinas Awards ng mga totoong kuwento ng ginintuang paglilingkod, malasakit, at di-matinag na katapatan, “ sabi ni Bobby L. Castro, CEO ng Palawan Pawnshop. “Hindi magsasawa ang Palawan Pawnshop – Palawan Express Pera Padala sa pagbigay ng suporta sa makabuluhang proyektong ito.”
Sapul pa 2016 nang ito ay unang isagawa, masugid na sponsor na ng taunang search ang Palawan Pawnshop – Palawan Express Pera Padala.