NAKARATING na sa Malacañang, partikular sa Office of the President (OP), ang coronavirus disease (COVID-19).
Nabatid sa source, apat na kawani ng OP ang nagpositibo sa COVID-19 habang hinihintay ang resulta ng swab test ng lahat ng nakasama nila sa shuttle bus.
Ayon sa impormante, hindi umano sumailalim sa quarantine ang nagkaroon ng “close contact” sa COVID-19 positive employees dahil babawasan ang kanilang leave credits.
Patuloy umanong pinapayagan na mag-duty ang mga empleyado habang hinihintay ang resulta ng swab test.
Nangangamba ang ilang empleyado ng OP na kumalat ang sakit sa kanilang mga tanggapan lalo na’t hindi naman lahat ay sumailalim sa swab test.
Napag-alaman na lahat ng OP shuttle bus ay disinfected na.
“100% ang pinapapasok, mas malaki ang chance na magkahawaan kapag may asymptomatic,” sabi ng source.
Kaugnay nito, suspendido simula kahapon hanggang 27 Hulyo 2020 ang trabaho sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa New Executive Building sa Malacañang Complex sa JP Laurel St., San Miguel, Maynila.
Ayon sa kalatas ng PCOO, ang NEB lockdown ay upang magbigay daan sa disinfection ng gusali at contact tracing sa mga PCOO frontline personnel matapos mag-positibo sa COVID-19 ang isang empleyado ng kagawaran.
Nabatid sa source na huling nag-report sa NEB ang COVID -19 positive employee noon pang 3 Hulyo 2020 o 18 araw ang nakalipas bago ipag-utos ang lockdown sa NEB.
Aniya, noong nakalipas na 4 Abril ay isang empleyado ng PCOO ang namatay dahil sa COVID-19. (ROSE NOVENARIO)