MARAMI ang nag-aabang sa napipintong ika-apat na State of The Nation Address ni Rodrigo Duterte sa ika-27 ng Hulyo 27. Inaabangan nila ang mga mambabatas na gigiri sa harapan ng mga kamera upang ipagmagaling ang kanilang mga kasuotan at kani-kanilang “fashion statements.”
Siyempre kung sa loob ng Kongreso may humahada, sa labas, partikular sa mga lansangan na papunta sa Batasan, magii-ipon ang iba’t-ibang grupo na magpapahayag ng kanilang saloobin sa araw ng SONA.
Nandoon ang mga “performance artists” na magbabahagi ng kanilang saloobin tungkol sa SONA sa pamamagitan ng talumpati, placard, gayak, at effigy.
Pero espesyal ang pang-apat na SONA ng presidenteng ito dahil sa umiikot na mga balita tungkol sa tunay na lagay niya. Tuloy, marami ang nagtatanong kung matutuloy nga ba ang SONA ni Mr. Duterte?
Hindi sikreto na mas gusto ni Duterte na mamalagi sa Davao City at doon niya gagawin ang pamamalakad sa bansa.
Alam ng mga kababayan na ang pamamalakad na ito ay iniatas niya sa kanyang mga katiwala at kasapakat sa gabinete. Alam natin bukod sa weekly press briefings na ginagawa niya mula sa lungga niya sa Davao City.
Bihira siya makita bagaman may mga lumalabas na press release na kung saan nandoon siya. May mga scenario po akong ibabahagi sa inyo patungkol sa magaganap sa Hulyo 27 kaya pagsaluhan po natin ang mga ito.
Una, lilipad siya gamit ang presidential Gulfstream at didiretso sa Batasan upang ibigay ang kanyang SONA.
Bago ito, magsisimula sa Pambansang Awit ng Republika ng Pilipinas, na susundan ng isang ecumenical prayer at ipakikilala ang pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Mainam ito dahil ganito ang ginawa ng lahat ng pangulong naluklok magmula kay Cory Aquino. Makikitang nandun siya mismo, nakatayo sa rostrum, kinukunan ng litrato at video at nagbabasa mula sa teleprompter.
Ang isa pang scenario na nakikita ko ay magsisimula ang SONA sa Pambansang Awit ng Republika ng Pilipinas, na susundan ng isang ecumenical prayer, tapos ipakikilala ang pangulo, at sa pamamagitan ng live video transmission mula sa Davao City, magsisimula si Duterte ng kanyang SONA.
Ang pangatlong scenario, na sa aking pakiwari ay ang pinakanakakagimbal sa lahat. Pagkatapos ng pangunahing seremonya, habang ang mga senador, mga kongresista, at mga ibang panauhin na lahat ay naka todo-postura ay manonood, magbibigay si Mr. Duterte ng isang pre-recorded video message bilang kanyang SONA.
Marami ang nakapansin ng hitsura ni Duterte sa mga huling kuha sa kanya. Siya ay kulay-bayong na, may pagka kulay-abo na may halong berde. Siya ay matamlay, may kabagalan ang kung kumilos at tila may iniindang sakit.
Lahat ng ito ay indikasyon na hindi na maganda ang kanyang lagay. Ito ay taliwas sa inanunsyo ni presidential spooksman Mars Roque na ang kalusugan ng presidente ay nasa 88 percent.
Pero nakikita natin, kumbaga sa cell phone na low-batt ito ay nasa 12 percent na lang.
Huwag na tayo magpaliguy-ligoy pa.
May matinding karamdaman si Mr. Duterte, at dapat na siyang magpahinga. Pero imbes na ipaubaya na ang panguluhan sa Bise-Presidente, ayon sa nakasaad sa Saligang-Batas, si Mr. Duterte ay pilit na pinatatrabaho ng mga nakapaligid sa kanya.
Kulang na lang katangan siya ng isang dos-por-dos sa likod at parang “scarecrow” upang magpatuloy sa pagbugaw ng mga ibon sa palayan. Ito ay isang panlilinlang sa taumbayan. Ito ay panlilinlang na kailanman hindi natin makakalimutan.
***
MATAPOS ang desisyon na ipasara ang ABS-CBN, may kani-kaniyang pangangatuwiran na ibinigay. Sabi ni Spooksman Mars Roque, walang epekto ang pagsasara ng ABS-CBN dahil ang bino-broadcast lang naman nito ay pawang entertainment programs lang.
Oo meron mga entertainment programs ang estasyon, pero meron din itong news programs na pinalalabas, taliwas sa sinabi ni Mars. Talagang maaasahan mo itong si Mars sa pagiging “consistently inconsistent”.
Sabi naman ni Boy Pangil na itago natin sa pangalang Bong Go, nangyari ang pagsara dahil sa ipinalabas na anti-Duterte ads nung kampanya para sa pagkapangulo. Talagang ang isda ay sadyang nahuhuli sa bunganga.
Sabi naman ni Mike Defensor ang ABS-CBN ay pinatawan ng panghabang-buhay na pagka-bilanggo kung saan may pagkakataon itong magbago.
Siguro kung hindi ipinasara ng yumaong Gina Lopez ang kanyang mga minahan malamang nagbago ang pananaw nitong dating miyembro ng “spice boys”.
Ani ni Petra Cawatano, “we simply put an end to the privilege of one family in using a public resource to protect and promote their public interest”.
Bagay na sina sang-ayunan ng kanyang kabiyak na si congresswoman Lani Cayetano, at mga kapatid na si senadora Pia Cayetano, at Taguig mayor Lino Cayetano.
***
BINABATI namin si Cardinal Luis Antonio Tagle ang nakatalagang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples sa pagtalaga sa kanya ni Papa Fransisco bilang bagong miyembro ng Pontifical Council for Inter-religious Dialogue.
Ang buong sambayanan ay nananalangin na patuloy kayong biyayaan ng Poong Kabunian.
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman