MUKHANG hindi pa maganda ang naging reaksiyon ng mga tao sa unang paglabas ng bagong cable at internet show ni Angel Locsin na tinalakay niya ang problema ng mga jeepney driver na matagal nang hindi nakaka-biyahe, na ni wala nang pambili ng kanilang pagkain, at namamalimos na lamang. Siguro ang intensiyon lang naman ni Angel ay matawag ang pansin ng mga tao sa kawawang sitwasyon ng mga jeepney driver na iyon. Alalahanin ninyo, si Angel ay talent lamang. Siya lamang ang presenter sa show na iyan. Iyong material ay ginagawa pa rin para sa kanya. Hindi natin masasabing ang lahat ng lumabas doon at sinabi niya ay opinion nga niya.
Noong nakaririnig na kami ng comments, hinanap namin ang video ng cable at internet show na iyon, dahil hindi naman kasi namin napanood. Noong makita namin, maski kami naramdaman namin na matindi ang simpatiya nila sa mga jeepney driver. Tama rin ang mga netizen na nagsabi namang mukhang hindi nila naisip ang mga pasaherong matagal nang nagtiis sa pagsakay sa mga bulok at mauusok na jeepney na ibinibiyahe pa kahit na parang running coffin na iyon sa mga kalye natin.
Natanong nila si Angel, naranasan mo na ba ang sumakay sa bulok na jeepney, na mabilis niyang sinagot na commuter siya noong araw na hindi pa siya artista. Kung kami iyon, ang itatanong namin sa kanya ay kung ano ang kanyang mararamdaman kung ang sinasakyan niya kailangang bombahin ng tatlo hanggang apat na beses bago kumagat ang preno, at sasakay ba siya sa ganoong sasakyan?
Isa pa, matagal nang mayroong jeepney modernization law, na hindi maipatupad dahil sa tuwing ipatutupad, magra-rally ang mga driver ng mga bulok na jeep na siya pang matatapang. Na ang katuwiran inaalisan sila ng kabuhayan. Eh paano naman ang buhay ng mga sumasakay sa kanila?
HATAWAN
ni Ed de Leon