ALAS-DOS ng hapon noong Lunes, sa isang checkpoint ng pulis sa Barangay Bus-Bus, Jolo, Sulu pinara ang isang SUV na may sakay na apat na kalalakihan.
Nagpakila ang apat na naka damit-sibilyan na miyembro ng 9th Intelligence Service Unit ng AFP at naglabas ng kanilang ID.
Tandaan natin ang kanilang mga pangalan: Maj. Marvin Indammog, Capt. Irwin Managuelod na pawang mga gradweyt ng PMA, Sgt. Jaime Velasco, at Corporal Abdal Asula.
Nagsasagawa ang apat ng “signals intelligence” o SIGINT para matukoy ang kinaroroonan ng mga “suicide bombers” at Abu Sayyaf bomb expert Mundi Sawadjaan.
Imbes tumawag ang mga pulis sa kampo para magberipika, pinapunta ‘yung apat sa estasyon ng PNP.
Sumang-ayon sila, at kasunod ang sasakyan ng pulis, dumeretso sa estasyon na hindi kalayuan sa checkpoint. Bilang security precaution, pumara ang SUV lagpas nang kaunti sa estasyon at bumaba si Major Indammog na walang armas at lumapit sa mga pulis habang nakataas ang mga kamay.
Pinagbabaril ng mga pulis si Major Indammog at ang tatlo pa niyang kasama.
Tandaan natin ang mga pangalan ng mga pulis na sina Police Staff Sergeant Almudzrin Hadjaruddin, Patrolman Alkalaj Mandangan, Patrolman Rajiv Putalan, Police Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri, Police Master Sergeant Hanie Baddiri, Police Staff Sergeant Iskandar Susulan, Police Staff Sergeant Ernisar Sappal, Police Corporal Sulki Andaki, at Patrolman Moh Nur Pasani.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, tinutukan ng mga sundalo ang mga pulis kaya nila pinutukan. Pero ayon sa spokesman ng AFP Major General Edgard Arevalo, base sa mga retrato at impormasyon na nakalap nila, binaril ng mga pulis ang mga sundalo habang sila ay nakasakay sa SUV maliban kay Major Indammog na nasa labas ng sasakyan at palapit sa mga pulis para magpaliwanag kung ano ang tunay nilang pakay.
Ayon sa mga nakasaksi walang naganap na alitan sa pagitan ng mga sundalo at pulis, at walang ipinakitang motibo ang mga sundalo para gawin sa kanila ito. Galit na galit si Army Chief Lieutenant General Gilbert Gapay na nagngingitngit na imposibleng nagka-encounter at wala man lang isang casualty ang mga pulis.
Ani Lt. Gen. Gapay: “It was murder. It is murder… There is no ‘misencounter’ dahil hindi naman pumutok ‘yung tropa namin. Nandoon ‘yung mga baril nila sa baba. These are PNP personnel, kung may misencounter, nagkaputukan, palagay ninyo walang tatamaan na PNP? This was no misencounter here. It was a rubout…”
Iniutos ni Gapay ang isang malawakang imbestigasyon at humingi ng tulong sa NBI. Ngayon, dinisarmahan at “confined to barracks” ang mga pulis.
Dahil may namatay na mga “mistah” tinitiyak ko hindi titigil ang AFP para matunton ang katotohanan.
Tinitiyak ko tatapusin nila ito.
***
Hindi ko malaman kung sinasadyang magpatawa itong si Boy Wigwam II na itago lamang natin sa pangalang Sagip Party-list Representative Rodante Marcoleta.
Sa naganap na congressional hearing sa franchise renewal ng ABS-CBN na tinatanong si ABS-CBN president at CEO Carlo Joaquin Taeo López Katigbak.
Humantong ang diskusyon sa paggamit ng TV Plus Digital Box at pay-per-view options ng estasyon, ani Katigbak ito ay ayon sa bagong teknolohiya na nararanasan natin.
Tugon ni G. Marcoleta: “Alam po n’yo Mr. Katigbak, talaga pong ang technology ay mabilis lumago. Kung minsan po ang ating pamahalaan ay hindi masyadong nakahahabol. ‘Wag naman po natin masyadong bilisan. Komo ba ang technology nandiyan, para bang ‘o sige wala pa naman nga rules, unahan natin. ‘Wag po ganon…”
Muntik ko po malunok ang kinakain kong sapin-sapin kasama ang tinidor.
Kasalanan ba ng ABS-CBN kung mabagal humabol sa teknolohiya ang gobyerno?
Kaya po sang-ayon ako na alisin ang Party-list System sa ating lehislatura.
Tao ang iboto natin.
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman