Monday , December 23 2024

9 pulis sa ‘rubout’ wanted kay Digong

INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na iharap sa kanya ang siyam na pulis na sangkot sa “rubout” sa apat na sundalo ng Philippine Army sa Sulu.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, bago nagsimula ang pulong ng Inter-Agency Task Force for the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ay inihayag ng Pangulo ang kanyang panlulumo sa naganap na “rubout” sa apat na sundalo ng mga pulis.

“Without revealing kung kailan at saan mangyayari ang pagpupulong ay hiningi ni Presidente kay Secretary Año na gusto niyang makausap iyong mga pulis, iyong siyam na pulis na umano’y nagpaputok doon sa apat na Army personnel, kasama ang isang Major,” ayon kay Roque.

Inatasan ng Pangulo ang National Bureau of Investigation (NBI) na bilisan ang imbestigasyon sa insidente na tinawag na ‘misencounter’ ni Roque.

“Ang pinakaimportante, sinimulan ni Pangulo iyong pagpupulong by saying na talagang nalulungkot siya roon sa nangyari na ‘misencounter’ diyan sa Sulu ano at inorderan nga niya ang NBI na pabilisin ang imbestigasyon,” ani Roque.

Gusto aniya ng Pangulo na magtungo sa pinangyarihan ng insidente upang maitaas ang morale ng mga sundalo.

“Lungkot na lungkot siya. Ang ginamit nga niyang salita ay siya ay nanlambot, extremely sad at gusto niyang pumunta mismo roon sa lugar kung saan nangyari, kung pupuwede, dahil gusto niyang ma-lift ang morale ng mga (ka)sundalo(han) dahil talagang (parang) mababa ang morale ng ating mga (ka)sundalo(han),” dagdag ni Roque.

Para sa Pangulo, hindi dapat nagpapatayan ang parehong ideolohiya at umaasa siyang ang insidente na ang huling ‘misencounter’ sa kanyang termino.

“Hindi raw dapat nagpapatayan, nag-i-enkuwentro ang parehong ideolohiya. At sabi niya, sana ito na ang huling ‘misencounter; sa kaniyang termino,” giit ni Roque.

Batay sa ulat, nasa intelligence mission ang apat na sundalo mula sa 11th Infantry Division laban sa Abu Sayyaf nang harangin ng mga pulis sa checkpoint sa Marina Street, Jolo, Sulu noong Lunes, 2:00 pm at pinagbabaril ang mga biktima kahit nagpakilalang mga taga-Philippine Army.

“We are saddened by this and we are not generalizing the whole PNP, just this incident. How can their leaders let this happen? There is something wrong, especially in their procedures, in the way they communicate,” ayon kay Army Spokesman Col. Ramon  Zagala.

Dapat aniyang busisiin ng Philippine National Police (PNP) kung paano ipinatutupad ng mga pulis sa larangan ang “threat analysis and situational awareness” sa paggamit ng kanilang armas na hindi ginawa ng mga pulis na sangkot sa rubout.

Umani ng batikos ang PNP sa netizens at kinuwestiyon ang kakayahan ng organisasyon na magpatupad ng isang anti-terror law kung hindi kilala ang mga terorista at walang habas pumatay ng kapwa awtoridad base sa kanilang hinala.

Nauna rito, iniulat ng pulisya na may mga sundalong napatay sa ‘misencounter’ sa grupo ng ilang opisyal ng pulisya.

Ngunit ayon sa Philippine Army (PA), ang kanilang dalawang opisyal at dalawang enlisted personnel ay nasa misyon laban sa Abu Sayyaf militants, kabilang ang dalawang pinagsususpetsahang suicide bombers, nang sila ay pahintuin sa isang PNP checkpoint at paglaon ay pinagbabaril kahit nagpakilala ang mga sundalo.

“It was murder,” ani army commanding general Lt. Gen. Gilbert Gapay sa mga mamamahayag. “There was no misencounter … it was a rubout.”

Inamin ni Gapay na nagalit siya nang mabasa ang police report na nagsasabing shooutout ang insidente pero sinabi ng heneral na “fabricated, full of inconsistencies. It’s like in the movies and very misleading.”

Aniya, hindi nagpaputok ang mga sundalo kahit isa, at ang mga sangkot na pulis na wala man lang sugat o pinsala, ay biglang tumalilis, na hindi naaayon sa police protocol kung mayroon ngang enkuwentro.

“It was very tense in Jolo last night, our troops, everybody were really agitated, but, you know, we are very professional,” ani Gapay.  (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *