HINDI namin malaman kung ano ang controversy doon sa TV plus. Iyang TV Plus ay isang digital receiver, na sumasagap ng digital broadcast ng lahat ng estasyon. Ginagamit iyan para ang ating mga telebisyong luma pa, at analog format, ay makatanggap na ng bagong digital signals. Kung iisipin mo, iyang TV Plus ay parang antenna lamang.
Hindi kami gumagamit ng TV Plus, pero may ganyan kaming digital receiver-tuner na ang marka ay GNX, gawa sa China at nabili namin sa Raon sa halagang P600. Mayroong iba pang brand niyan. Mayroong Pensonic, DigitalPlus, at kung ano-ano pa na mas mura, at nasasagap din ang lahat ng digital broadcast maliban sa mga estasyong naka-lock sa ABS-CBN, kagaya ng Teleradyo, Cinemo, Knowledge Channel, Yey, KBO at iba pa na sa TV Plus lamang mapapanood.
Hindi kailangan ng franchise ng mga gumagawa at nagbebenta ng digital receiver. Ngayon ang GMA ay naglabas na rin ng sarili nilang digital box.
Ang dapat lang pag-usapan ay ang franchise ng broadcasting network, o ang franchise ng iba pang networks na ginagamit nila. Mali rin naman iyong tanong na ire-refund ba ng ABS-CBN ang ibinayad sa pagbili ng TV Plus, dahil ang binili ninyo ay digital receiver, na sumasagap din naman ng ibang estasyon. Mawala man ang ABS-CBN, magagamit pa rin ang TV Plus para sagapin ang iba pang free to air tv. Maliban na lang doon sa isang estasyon na naka-lock out naman sa digital box ng GMA 7. Ang mawawala lang ang estasyon ng ABS-CBN, hindi iyong ibang channels, kaya mali rin naman iyong argument na kung mawawala sila, magkakaroon ng kakulangan sa entertainment at balita ang tao, kasi may masasagap pa rin namang iba ang TV plus. Nalilito ang tao sa inyo eh, na para bang kailangan nang itapon ang TV Plus, at iyong iba mas OA pa itatapon na ang kanilang TV kung hindi ire-renew ang franchise ng ABS-CBN.
Sige nga itapon ninyo, sabihin ninyo kung saan at pupulutin namin. Maraming mga ampunan o home for the aged ang makikinabang diyan sa balak ninyong itapong TV at TV Plus.
HATAWAN
ni Ed de Leon