Sa loob pa lamang ng isang taon na panunungkulan bilang alkalde ng lungsod ng Maynila ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, umabot sa mahigit 80 bagong ordinansa ang kanyang inaprobahan na ang karamihan ay nagbibigay ng benepisyo sa lahat ng Manilenyo.
Karamihan sa mga ordinansa na tumatak sa mga Manilenyo ang pagbibigay ng monthly pension sa senior citizens, persons with disability (PWD), solo parent, Grade 12 students sa mga pampublikong paaralan, mga estudyante sa Universidad de Manila (UDM) at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) bilang bahagi ng Social Amelioration Program ng pamahalaang lungsod.
Bukod dito, malaking tulong din sa mga Manilenyo na nagbabayad ng amilyar sa lungsod ang ordinansa na ipinatupad ni Domagoso na pagbabawas ng 20% sa real property tax.
Inaprobahan ni Mayor Isko ang isang ordinansa na “tax amnesty program” na lahat ng mga nagmamay-ari ng lupa at ari-arian gayondin ang mga may negosyo sa Maynila na may pagkukulang sa kanilang obligasyon sa lungsod ay puwede nang magbayad nang walang interes o pataw na kaukulang multa.
Inaprobahan ng alkalde ang ordinansa hinggil sa pagpapanatili ng pagmamay-ari ng lungsod sa Arroceros Park at hindi ito maaaring maipagbili dahil ito ang itinuturing na ‘baga’ ng lungsod.
Karamihan sa mga ordinansa na inaprobahan ni Isko ay pawang may kaugnayan sa kapakinabangan, kalusugan, at kaligtasan ng bawat Manilenyo bukod pa ang pagpapanatili ng kalinisan, ganda at pagpapaunlad sa lungsod.
Sa unang taon bilang alkalde ng lungsod ni Yorme Isko, inaasahan na muli siyang magbibigay ng ulat sa lahat ng Manilenyo sa kanyang State of the City Address (SOCA).