HUMANDA na ang lahat dahil pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mahigit 900 drivers and operators ng UV express, dagdag sikip sa trapiko, sigurado! Pero malaking tulong sa mga pumapasok sa trabaho dahil hindi na maglalakad at mababawasan ang tagal ng paghihintay sa masasakyan.
Noong nakalipas na araw ng Sabado bumabagtas ang aking sasakyan sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Napakaluwag hanggang Quiapo, Maynila hanggang sa A. Bonifacio patungong Camachile, okey pa pero pagsapit ng NLEX hayun na ang buhol-buhol na trapik patungong Norte.
Okey pala kung wala pa ‘yung traditional jeepneys, maluwag ang kalye at limitado ang provincial buses, madaling makararating sa pupuntahan.
Marahil kaya trapik sa NLEX, maraming uuwi o dadalaw sa kani-kanilang kaanak upang kumustahin lalo na ‘yung mga kaanak na na total lockdown noong pandemic na puwede nang puntahan kasabay ng pagdadala ng mga ayuda sa kanilang mga kaanak na nawalan ng trabaho o hindi na pa nakapapasok dahil nagsara ang mga kompanya.
Kung papayagan na ang traditional jeepneys, tiyak na tiyak balik trapik na naman ang kalakhang Maynila. Muli na namang dagsa ang polusyon sa kalangitan. ‘Di gaya noong ECQ pa ang Metro Manila, kitang-kita ang kaputian ng ulap sa langit, ang kulay sky blue ay banaag na huli kong nasilayan noong ako ay four years old pa lamang.
Nag-aalboroto na ang jeepney drivers, halos mamalimos na sa kalsada. Napakarami palang jeepney drivers dahil napakarami palang binigyan ng prankisa ng LFTRB. Sila pala ang dapat sisihin… kung sa simula pa lang nalimitahan lamang ang prankisa, wala sanang jeepney drivers na nagrereklamo na walang makain sa panahon ng pandemic.
Ito kasing LFTRB, gusto ng maraming koleksiyon! Ngayon tingnan n’yo ang epekto, masama pa ang gobyerno dahil walang ayuda para sa jeepney drivers.
Masama ang gobyerno dahil ayaw pa silang payagan na pumasada. Sino nga ba ang dapat sisihin, ang pagiging maluwag ng LFTRB sa pag-iisyu ng prankisa para tumaas ang koleksiyon o ang gobyerno na pumayag sa desisyon ng ahensiyang ito?
Ngayon heto ang epekto… magdusa kayo! Hahayaan ba ninyo na magutom ang mga jeepney driver dahil sa kawalan ng pag-iisip ng LTFRB at ng mga dating namuno sa ahensiyang ito!
Teka… ‘di mas nauna ang jeepney kaysa UV Express? Bakit mas nauna silang pinayagang magbiyahe kaysa jeepneys? Palakasan o palakihan o may winning bidder?
ISUMBONG MO
KAY DRAGON LADY
ni Amor Virata